BI sa mga biyahero: Yearbook photo, ‘di na kailangang dalhin sa airport

BI sa mga biyahero: Yearbook photo, ‘di na kailangang dalhin sa airport

March 17, 2023 @ 1:26 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng Bureau of Immigration nitong Biyernes, Marso 17, na hindi na kailangan pang magdala ng yearbook photo ng mga biyahero para lamang patunayan ang educational attainment ng mga ito sa pagbiyahe abroad.

Ito ay kasunod ng viral video sa Tiktok na isang biyaherong Pinoy ang naiwan ng flight nito matapos tanung-tanungin ng immigration officer.

Ani Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval, ang pagpapakita ng yearbook photo ay hindi bahagi ng mga itinatanong ng immigration officers ng bansa.

Sinabi pa ni Sandoval, itinanggi ng immigration officer na nagtanong sa biyaherong si Mariel Charmaine Tanteras, na nanghingi ito ng yearbook photo rito.

“He denied asking for a yearbook photo but perhaps he was interested in knowing the background of the person who went viral,” aniya.

Sa kasalukuyan ay wala na sa frontline ang naturang immigration officer at itinalaga na muna sa backend office.

“While the procedure of asking secondary questions is really part of the immigration officer’s duty, asking such questions that might not really be helpful in knowing the background of the person is cause for concern,” sinabi pa ni Sandoval.

Naghain na ng pormal na reklamo si Tanteras kaugnay ng insidente.

Nagpaalala naman ang BI sa mga biyahero na ang dapat lamang nilang ipakita sa immigration officer ay ang kanilang ticket, passport at supporting documents sa kanilang biyahe.

Ang kawalan naman ng return ticket ay maituturing na red flag sa immigration officers.

“Red flag din kung walang return ticket. Maraming kaso na peke ang ipiniprisintang return ticket,” ani Sandoval.

Ang paghihigpit ng immigration bureau ay upang malabanan ang talamak na insidente ng human trafficking lalo na ang call center job scam at crypto scam. RNT/JGC