Bicam para sa 2023 national budget umarangkada na!

Bicam para sa 2023 national budget umarangkada na!

November 25, 2022 @ 11:47 AM 5 days ago


MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Bicameral Conference Committee ang pagtalakay sa 2023 national budget na isinasagawa sa Manila Country Club sa Makati City.

Sa bicam tatalakayin at aayusin ang pagkakaiba sa bersyon ng Senado at Kamara 2023 General Appropriations Bill (GAB).

Noong Nobyembre 23 inaprubahan ng Senado ang kanilang bersyon ng budget habang sa panig ng Kamara ay naaprubahan ito noong Setyembre 28.

Ang isinasagawang bicam ngayong 19th Congress ay mas maaga kumpara noong nakaraang taon na tinalakay noong Disyembre 6, dahil maaga ang pagbusisi sa budget ay inaasahan din na maaga itong maisusumite kay Pangulong Bongbong Marcos para sa kanyang pag apruba.

Ilan sa inaasahang matatalakay sa bicam ay ang magkaibang bersyon ng Kamara at Senado sa confidential fund ng Office of the Vice President at ng Department of Education.

Sa bersyon ng Kamara ay pinayagan nito ang P500M  confidential intelligence fund (CIF) para sa OVP at P150 million para sa Deped subalit sa bersyon ng Senado ay P30M lamang ang nais nitong ibigay na CIF sa Deped bagamat pumabor ito sa P500 na CIF para sa OVP. Gail Mendoza