Bicameral meeting sa panukalang P5.024T 2022 national budget umarangkada na

Bicameral meeting sa panukalang P5.024T 2022 national budget umarangkada na

December 7, 2021 @ 9:24 AM 10 months ago


MANILA, Philippines- Pormal na sinimulan ng 13 senador at 20 miyembro ng Kamara nitong Lunes ang bicameral conference committee meeting para sa panukalang P5.024 trilyong national budget para sa 2022, sa pangako ng mga mambabatas na tutugunan ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic-related concerns.

Sinabi ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate finance committee, na nagkasundo ang mga miyembro ng Senado na hindi ikokompromiso ang itinalagang budget upang tugunan ang pandemic-related projects ng pamahalaan.

“’Yung mga tulong sa pandemya, sa mga nawalan ng trabaho, sa mga kailangan na i-repatriate na OFWs, ‘yung mga tulong sa mga sektor na apektado, ‘yung 4Ps na in-expand nila, naka-imbed na ‘yun sa budget. Yung medical assistance sa indigent, yung mga pondo na ‘yun, hindi talaga puwedeng (galawin),” pahayag ni Angara sa reporters.

Sinabi rin ni Sen. Imee Marcos na mayroong mga probisyong hindi pwedeng galawin sa panukalang budget para sa isang taon.

Samantala, kailangan pang resolbahin ang panukalang budget para sa kontrobersyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, dahil na rin sa determinasyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na gawin ang panukalang budget nito na P10 bilyon para sa 2022.

Matatandaang binawasan ang budget ng NTF-ELCAC at inilagay sa COVID-19 pandemic response.

Pahayag ni Sen. Joel Villanueva, pabor umano siya sa pagtataas ng budget ng barangay budget ng NTF-ELCAC, sa kondisyong makikita at magagamit talaga ng mga tao ang mga proyekto.

“That was my position, basta infra… We’ll make sure that this will not go to waste,” giit ni Villanueva.  

Samantala, sang-ayon naman ang congressional panels sa panukala ni Marcos na alisin ang “for later release” o FLR provisions sa 2022 budget upang maiwasan na maulit ang nakaraang karanasan kung saan sinuspinde ang paglalabas ng mga pondo na nakalaan para sa ilang mga proyekto.

“Ang problema kasi dun, unang-una, sa palagay ko, me cash naman. Kasi marami naman tayong inutang. May trillion-trillion pang naiiwan sa Treasury, pagbigyan na natin ‘yang natitirang project na ‘yan,” ani Marcos.

Umaabot ang pondo ng administrasyong Duterte sa FLR projects para sa 2021 sa P787.5 bilyon. 

Sinabi naman ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap, chair ng House Committee on Appropriations, na tatalakayin ng bicameral panel ang budget sa maliliit na grupo para sa mas mabilis na aksyon.

Gagawin umanong prayoridad sa budget para sa 2022 ang health care workers Special Risk Allowance (SRA) na dapat umabot sa P90 bilyon.

“Yung (Department of Health), parang hindi sila naglagay ng (Special Risk Allowance) dun sa NEP (National Expenditure Program). So kailangan naming lagyan ng SRA,” sabi ni Yap. RNT/SA