Biden inimbitahan si PBBM sa Washington

Biden inimbitahan si PBBM sa Washington

July 3, 2022 @ 11:35 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inimbitahan ni US President Joe Biden si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Washington, unang foreign head of state para pormal na ipaabot ang pagbati sa bagong halal na lider ng Pilipinas.

Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, iniabot ni US Second Gentleman Douglas Emhoff kay Pangulong Marcos ang personal invitation letter ni Biden.

Si Emhoff, asawa ni US Vice President Kamala Harris, ang nanguna sa seven-member delegation mula Washington na dumalo sa June 30 inauguration ni Pangulong Marcos.

Matapos ang inagurasyon ay nagkaroon ng pagpupulong ang dalawang opisyal sa Malakanyang.

Nakasaad sa liham ni Biden kay Pangulong Marcos, ayon kay Romualdez : “I hope you can come to Washington once our teams find an appropriate time.”

“President Marcos responded by saying he hopes to do so as soon as our schedules permit them.”

At dahil pasok sa diplomatic immunity si Pangulong Marcos bilang head of state, sinabi ni Romualdez, maaaring bisitahin ng una ang Washington nang walang pangamba na arestuhin sa kabilan ng “standing contempt order ” na may ilang taon nang pumipigil dito na makapasok sa Estados Unidos.

Noong 2012, nagpasa ang US Court of Appeals para sa Ninth Circuit ng contempt judgement laban kay Marcos Jr., sa kanyang ina na si Imelda, at sa ari-arian ni Ferdinand Marcos Sr. dahil sa paglabag sa isang injunction na nagbabawal sa kanila sa pag-alis ng mga assets ng estate.

Inilabas ang contempt order matapos makipagkasundo ang mga Marcos sa Administrasyong Ramos noong 1992 at pumayag na ibahagi ang kanilang yaman sa gobyerno. Itinuring itong paglabag sa desisyon noong 1991 ng US District Court of Hawaii na nagbabawal sa pamilya Marcos na hawakan ang kanilang mga ari-arian sa US dahil ito ang pinagmumulan ng potensyal na pagbabayad ng pinsala sa mga karapatang pantao na biktima ng batas militar.

Libu-libong biktima ng martial law ang nanalo sa class action lawsuit para sa mga paglabag sa karapatang pantao laban sa ari-arian ni Marcos Sr. sa Hawaii noong 1986, kung saan sila ay ginawaran ng halos $2 bilyon.

Nangangahulugan din ang contempt award na hindi papayagang makatapak ang mga Marcos sa alinmang teritoryo ng US.