BIFF, tinangkang sakupin ang isang bayan sa Datu, Paglas sa Maguindanao: 4 terorista, todas, 3 sundalo sugatan

BIFF, tinangkang sakupin ang isang bayan sa Datu, Paglas sa Maguindanao: 4 terorista, todas, 3 sundalo sugatan

July 4, 2018 @ 11:02 AM 4 years ago


 

Maguindanao – Napigilan ang tangkang pagsakop ng ISIS-inspired terror group na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng Datu, Paglas, Maguindanao nitong araw ng Martes (July 3).

Kaya naman agad nag-deploy at sinagupa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP) ang mga terorista sa isang malawak na maisan (rice field) kung saan apat sa hanay ng grupo ang napatay.

Nakilala ang mga teroristang napatay sa walang humpay na pagbomba ng mortar sa pinagkukublian ng grupo na pinamumunuan ni Kumander Sulaiman Tudon na sina Muktar Undi, Orai Sangkay, Aliman Bontah at Idris Udar.

Sugatan naman ang dalawang sundalo na sina Cpl. Millard Bacatan at Private Allan Cabildo, kapwa nakatalaga sa 33rd Infantry Battalion-Philippine Army at isang militiaman na si Musa Kalim.

Wala namang mga sibilyan ang ini-ulat na nadamay sa sagupaan ng dalawang panig.

Ayon kay Lt. Col. Harold M. Cabunoc, commanding officer ng 33rd IB, inumpisahang bakbakan ng 1st Mechanized Infantry Brigade na kinabibilangan ng 33rd IB (Makabayan), kasama ang 4th Special Action Battalion ng PNP ang naokupahang posisyon ng BIFF dakong alas 5 ng umaga sa Sitio Mopac, Barangay Poblacion, na nasa 500 metro lamang ang layo mula sa munisipyo ng Datu, Paglas.

Sinuportahan ng armored vehicles at pagpapaulan ng mga mortars ang pakikipagsagupa ng ground infantry sa close quarter house to house combat na tumagal ng siyam na oras sa gitnang bahagi ng maisan.

Dakong alas 3 ng hapon ng bombahin naman ng attack plane ng Philippine Air Force (PAF) ang natitirang posisyon ng BIFF bago isinagawa ang clearing operations ng ground forces.

Narekober sa lugar ang tatlong improvised explosive device (IED) na naantalang ibaon sa daanan patungong posisyon ng kalaban.

Sinabi ni Cabunoc na agad niyang ipinag-utos ang pagsagupa sa mga terorista upang maiwasan na madamay ang mga residente roon at hindi na magkaroon ng paglagas ng buhay sa kanyang mga sundalo.

“We confronted enemy snipers and improvised bombs as we seized the areas that are previously occupied by the terrorists. We also wanted to contain the fighting outside of the highly populated area some 500 meters away,” pahayag ni Cabunoc.

“Let us prevent the terrorists from sowing chaos in urban centers to imitate the tactics that they used in Marawi last year. We must work closely with the civilian leaders in monitoring the enemy’s sinister plans in perpetrating violent actions to spoil the peace,” saad naman ni Brig. General Cirilito Sobejana, ang commander ng 6th Infantry Division, na nagbigay supporta sa pagpapadala nito ng mga tauhan mula sa 1st Mechanized Division sa lugar na dahilan din para mabilis na maitaboy ang BIFF.

Kasalukuyang nagsasagawa din ang mga sundalo ng humanitarian assistance sa 500 indibidwal na naapektuhan ng gulo at inilikas sa municipal gym roon…(Jeff Gallos)

Courtesy: Lt. Col. Harold Cabunoc, commanding officer, 33rd infantry battalion (Makabayan)