Big announcement ni Sec. Roque, naudlot

Big announcement ni Sec. Roque, naudlot

October 8, 2018 @ 9:32 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Naudlot ang inaabangan ng publiko na ‘big announcement’ sana ni Presidential spokesperson Harry Roque ukol sa kanyang desisyon sa alok ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pamunuan ang bagong posisyon sa gobyerno.

Malakas ang sutsot na inalok kay Sec. Roque ang posisyon na pamunuan ang bubuhaying Office of the Press Secretary (OPS).

Sa text message ay sinabi ni Sec. Roque na simula ngayon na tatagal ng isang linggo ay wala siyang press briefing sa Malakanyang.

May sarili aniya itong lakad sa ibang bansa subalit nilinaw na hindi siya kasama ng Pangulo sa official visit nito sa Bali, Indonesia.

Ipinasa naman ni Sec. Roque kay PCOO Dir. Dennis Ting ang pag-anunsyo tungkol sa kanyang leave.

Sa ngayon ay wala pa siyang desisyon at hindi pa sila nakakapag-usap ng Pangulo.

Matatandaang, humingi ng panahon si Sec. Roque para pag-isipan ang alok sa kanya ni Pangulong Duterte na manatili sa puwesto at tanggapin ang isang posisyon na hindi pa naman umiiral sa ngayon.

Hindi man binanggit ni Sec. Roque kung ano ang posisyon na ito subalit nabanggit niya na ito’y panukala ng isang senador.

Matunog ang ulat na ipinanukala ni Senador Vicente Sotto III na lusawin na ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at isailalim na lamang ito sa Office of the Press Secretary (OPS).

“While there was no categorical agreement on what to do, I did say I will consider it and I wanted a weekend to think it over ,” ayon kay Sec. Roque.

Naalala pa niya na ang ginawang pag-alok sa kanya sa bagong posisyon ay tipikal Duterte na ‘cariño brutal’.

Subalit malinaw aniya ang mensahe sa kanyang Pangulo na manatili siya sa puwesto.

“What would be my response? I need a weekend,” ayon kay sec. Roque.

At kung anong factor aniya ang maaari niyang ikunsidera sa kanyang magiging desisyon ay sinabi nito na “how effective I can continue in this position or in a position similar to what Im doing right now. I think, it was very serious.. I did not know what is going to happen.”/Kris Jose