Biglaang inspeksyon ng vax cards sa NCR ikakasa ng awtoridad

Biglaang inspeksyon ng vax cards sa NCR ikakasa ng awtoridad

January 4, 2022 @ 6:24 PM 7 months ago


Manila, Philippines- Magsasagawa ang mga awtoridad ng random inspection ng vaccination cards sa National Capital Region bilang parte ng pagsunod sa desisyon ng Metro Manila council na higpitan ang paggalaw ng mga hindi bakunadong indibidwal sa NCR.

Inilahad ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa Laging Handa na tutulong ang Philippine National Police (PNP) sa pagsasagawa ng biglaang inspeksyon.

“Magkakaroon tayo ng random checking, random po ito at makikipagugnay po tayo sa mga kapulisyahan to make sure na we are really serious on this,” ani Abalos nitong Martes.

“Magtutulungan po ang national government through the national police and of course ang mga kawani po natin sa local government units (LGUs) kasama na ang mga private po rito, sa mga malls, to make sure na maimplement po natin ito,” patuloy niya.

Hindi naman binanggit ni Abalos ang eksaktong petsa kung kailan ito sisimulan subalit aniya, maglalabas ang LGUs sa Maynila ng magkakahiwalay, subalit parehas na ordinansa sa implementasyon ng karagdagang restriksyon.

Binigyang-diin din niya na ang ang pagtaas ng kaso ng virus ang dahilan ng restriksyon sa mga hindi bakunadong indibidwal, na aniya ay bilang proteksyon na rin nila. RNT/SA