Bigtime akyat-bahay laglag sa tanod sa Bulacan

Bigtime akyat-bahay laglag sa tanod sa Bulacan

June 23, 2022 @ 3:42 PM 6 days ago


Bulacan- Arestado ang isang 25-anyos na binatang construction worker matapos mang-akyat ng bahay at magnakaw ng mamahaling gamit sa lungsod ng San Jose Del Monte ( SJDM).

Kinilala ang suspek na si Bartolome Diocton habang ang biktima ay itago sa pangalang Rey, 38, negosyante kapwa residente ng Brgy. Minuyan proper.

Sa report ng SJDM police, nangyari ang insidente bandang alas-1:35 ng madaling araw nitong Huwebes.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, inakyat ng suspek ang terrace hanggang sa makapasok sa loob ng bahay ng biktimang negosyante.

Mabilisang kinuha ng suspek ang iPhone 8 cellphone na may halagang P35,000, Samsung cellphone na P12,000, Lenovo Laptop na P50,000, Michael Kors gold plated wristwatch, P5,000, Nike wristwatch na P3,500, Hermes Bangles 21 karats gold na P15,000 at dalawang bag na P1,500.

Nang magising ang biktima ay nalaman niyang nawawala ang kanyang mga mamahaling gamit.

Agad siyang humingi ng tulong sa mga tanod na nagsagawa naman ng follow up operation kaya nahuli ang suspek at isinuko sa pulisya kalaunan.

Narekober rin ang mga nakulimbat ng suspek na nahaharap sa kasong robbery habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III