Bigtime oil price hike asahan sa sunod na linggo – Unioil

Bigtime oil price hike asahan sa sunod na linggo – Unioil

April 23, 2022 @ 12:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Asahan na ang muling pagpapatupad ng malakihang “oil price hike” sa bansa sa susunod na linggo.

Batay sa social media post ng Unioil, nasa P3.90 hanggang P4.10 ang itataas sa kada litro ng diesel habang nasa P3.00 hanggang P3.20 naman kada litro sa gasolina.

Nitong Biyernes, sinabi ni Department of Energy (DOE)-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na kinupirma nila na may pagtaas sa presyo ng krudo sa bansa sa darating na linggo kung saan magiging medyo mabigat umano ito.

Sa oil trading monitoring nitong nakaraang apat na araw, batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), isang oil industry source ang nagsabi na maaaring tumaas ang presyo kada litro ng diesel ng P4.20 hanggang P4.40 habang ang presyo ng gasolina ay maaaring tumaas ng P3.10 hanggang P3.30 kada litro.

Ayon sa opisyal, ang pandaigdigang presyo ng langis na krudo ay umabot sa $128.11 kada bariles noong Abril 21, kumpara sa $117.45 kada bariles noong Abril 11. JAY Reyes