Bigtime oil price rollback aarangkada bukas, Hulyo 19

Bigtime oil price rollback aarangkada bukas, Hulyo 19

July 18, 2022 @ 11:34 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Muling magpapatupad ng “bigtime oil price rollback” sa produktong diesel at gasolina ang mga kompanya ng langis sa bansa na magiging epektibo bukas.

Batay sa inilabas na abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum magpapatupad sila ng malakihang bawas presyo na P5.00 sa kada litro ng gasolina, P2.00 sa kada litro ng diesel at P0.70 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 ng umaga.

Magpapatupad din ng malakihang bawas presyo sa mga produktong petrolyo na kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na naging epektibo alas-12:01 ng madaling araw habang ang kompanyang Cleanfuel ay magiging epektibo alas-8:01 ng umaga.

Ang ipatutupad na rollback sa nasabing mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang linggo ay nagpatupad ng bawas presyo na P5.70 sa kada litro ng gasolina, P6.10 sa kada litro ng diesel at P6.30 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes