“Bigtime pusher” dinamba sa P220K shabu sa Pasay

“Bigtime pusher” dinamba sa P220K shabu sa Pasay

February 27, 2020 @ 2:56 PM 2 years ago


Pasay City – Arestado ang isang bigtime drug pusher sa isinagawang buy bust operation ng mga tauhan ng Pasay City Police kaninang ng madaling araw sa isang hotel sa Pasay.

 

Hindi na nagawang makapalag ni Jomark Andres alyas “Jopaks”, walang trabaho at  nakalista sa drugwatch list ng pulisya nang masakote sa aktong nagbebenta ng shabu sa isang poseur buyer sa  Sogo Hotel sa Elwood st. Brgy 144 Zone 15, Pasay City dakong 3:30, madaling araw ng Huwebes.

 

Ikinasa ng mga operatiba ng SDEU Pasay ang buy bust makaraang makumpirmang nasa hotel ang suspek.

 

Makaraang maibigay ang senyas ng poseur buyer na hawak na ng suspek ang marked money para sa bentahan ng shabu, ay sumugod na ang mga operatiba.

 

Nakuha sa pag-iingat ni alyas Jopaks ang marked money na isang libong piso at ang walong piraso ng plastic sachet na may lamang shabu na tinatayang umaabot ang halaga sa P221,680.

 

Sa ulat ng pulisya, isinagawa ang inventory ng mga nakuhang ebidensya sa harap ng mga halal na barangay officials ng Bgy. 144 Zone 17 bago dinala sa SPD Crime Laboratory para sa chemical analysis.

 

Samantala, nakaditine ngayon ang suspek na si alyas Jopaks sa SDEU Custodial Facility habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso sa piskalya. Dave Baluyot