Bigtime rollback sa presyo ng petrolyo, kasado bukas!

Bigtime rollback sa presyo ng petrolyo, kasado bukas!

March 21, 2022 @ 7:30 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Matapos ang 11 magkakasunod na linggong “oil price hike”, magpapatupad na ng malakihang bawas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas.

Sa kauna-unahang pagkakataon ngayong taon, magpapatupad ng oil price rollback ang mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng kompanyang Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum ang bawas presyo na P11.45 sa kada litro ng diesel, P5.45 kada litro ng gasolina, at P8.55 kada litro naman sa kerosene epektibo alas-6 ng umaga.

Magpapatupad din ng bawas presyo sa mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) alas-12:01 ng madaling araw.

Habang ang price rollback ng Cleanfuel ay magiging epektibo alas-8:01 ng umaga.

Nabatid sa Department of Energy na ang pagbawas ng presyo sa mga produktong petrolyo ay nauugnay sa pagbaba ng demand ng langis sa pandaigdigang merkado partikular na ang China, dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at ang pagpayag ng Russia na maupo sa Ukraine at US para sa posibleng usapang pangkapayapaan pagkatapos na magpasya ang Ukraine na ilabas ang plano nitong maging miyembro ng North Atlantic Treaty Organization (NATO). Jay Reyes