Sa isang pahayag ay sinabi ni Jose Maria Sison na tanging milagro na lamang ang maaaring asahan para muling matuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Duterte at National Democratic Front of the Philippines.
Kasunod nito, naglatag si Sison ng ilang batayan para aniya’y bumalik sa negotiating table ang mga rebelde, kabilang na rito ang pagbawi ni Presidente Duterte ng Proclamation No. 360 na nagpahinto sa usapang pangkapayapaan noong Nobyembre 23, 2017.
Gusto rin niyang ipabawi ang Proclamation No. 374 na ibinaba noong Disyembre 5 ng nakaraang taon na nagdedeklara sa CPP at New People’s Army bilang mga teroristang grupo.
Bagama’t aminado si Sison na hindi naman siya ang mag-isang magpapasya kung kakanselahin ang usapang pangkapayapaan o hindi, naniniwala naman siya na hindi pagbibigyan ni Digong ang kanilang kahilingan.
Kung si Sison na siyang chief political consultant ng NDFP ang ating paniniwalaan, wala na talagang pag-asang bumalik sa negosasyon ang gobyerno at rebelde.
At siyempre, magbabalik sa sagupaan ang dalawang grupo na magreresulta sa walang saysay na pagkalagas ng mga buhay at ang pag-iral ng kaguluhan sa maraming bahagi ng bansa lalo na sa mga kanayunan.
Tulad ng alam nating lahat, walang nananalo sa anomang armadong digmaan at ang tanging nagiging bunga nito ay mga nasirang buhay at pangarap partikular na ang mahihirap nating kababayan.
Kaya naman kailangang matuloy ang peace talks at kung kinakailangang gawin ito na hindi kasama ang pamunuan ng NDFP, nararapat lamang na ituloy pa rin ito.
Ang panukala kasi ni Sen. Panfilo Lacson ay gawing localized ang negosasyon at direktang kausapin ang mga lider ng rebeldeng grupo at huwag nang isama sina Sison dahil wala na silang kontrol sa kanilang grupo.
Suportado natin ang pagpapatuloy ng usapan kasama man o hindi sina Sison, basta ang importante ay makamtan natin ang kapayapaan kahit sa paanong paraan.
Matagal na rin namang nagpapasarap si Sison at mga kasama niya sa The Netherlands habang ang mga kasama nila ay nagpapakahirap sa mga kabundukan, kaya hindi kataka-taka na wala na silang kontrol sa kanilang mga grupo.
Kaya tama at napapanahon ang panukala ni Ping na huwag nang dumaan pa kay Sison ang negosasyon basta ang importante ay mabigyang tsansa ang isang pangmatagalan at sinserong kasunduan para sa kapayapaan. -OPENLINE NI RICOHERMOSO