Bigyang-pugay ang bagong BIR chief!

Bigyang-pugay ang bagong BIR chief!

November 22, 2022 @ 11:10 AM 2 weeks ago


NABABAHALA sa walang kahirap-hirap na pagkakaroon ng access ng mga bilanggo sa lahat ng klase ng kontrabando sa New Bilibid Prison kapalit ng pera, inihain ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ang House Bill No. 6126 o “Anti-Proliferation of Contraband in Prison Act of 2022” noong nakaraang linggo.

Nakita ng butihing chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang pangangailangan sa panukalang ito upang matugunan ang sari-saring pag-abuso sa loob ng correction facility, ang korapsiyon ng jail officials, at maging ang paggawa ng seryosong mga krimen, tulad ng pagbebenta ng iligal na droga at hired killing, sa tulong ng puslit na communication devices.

Saludo kay Rep. Ace Barbers! Maganda ang panukalang ito, gamitin ang modern devices upang maiwasan ang pagpupuslit ng mga kontrabando at ang kalayaan ng mga bilanggo na magsagawa ng mga transaksiyon para gumawa ng krimen. Sana mayroon din tayong device na kayang mag-scan ang mga corrupt na tauhan at opisyal ng mga bilangguan. Pinakahihintay natin ang araw na ‘yun.
***

Usapang Kamara pa rin noong nakaraang linggo, inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang HB No. 488, ang panukalang Act Strengthening the Political Party System – na mas kilala bilang “Anti-Balimbing Bill.”

Ang “balimbing,” siyempre pa, ay tumutukoy sa mga “papalit-palit ng partido at alyansang pulitikal.” Sa Pilipinas lang may gumagawa ng ganito, lalo na bago ang panahon ng pangangampanya kung kailan nagkakatugma-tugma ang mga pulitikal at pinansiyal na interes, at ilang araw pagkatapos ng eleksiyon, sangkatutak na politiko ang naglilipatan sa panig ng nahalal.

Ang panukala, na inakda ni former President-turned-Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, ay makabubuti para sa bansa na ilang dekada nang pinepeste ng kawalan ng paninindigan at ideyolohiya ng mismong mga opisyal na dapat sana’y nag-aangat sa ating bansa upang maging matagumpay.
***

Nitong Huwebes, Nobyembre 17, humingi ng paumanhin ang San Miguel Corporation sa lahat ng motoristang naapektuhan ng matinding trapikong idinulot ng biglaang network outage sa electronic toll collection system nito sa ilang bahagi ng South Luzon Expressway, Skyway, NAIAX at STAR Tollway.

Pero hindi lang iyon simpleng pagso-sorry. Sa halip, inianunsiyo ng SMC Infrastructure na hindi na nito siningilan ng toll ang aabot sa 84,000 motoristang naperhuwisyo ng trapiko.

Ito ay isang perpektong halimbawa ng pagpapamalas ng social responsibility ng isang kumpanya. ‘Di lang puro kita and nasa utak. Nagpaparaya rin at humihingi ng dispensa sa publiko. Pogi points ‘yan para sa San Miguel!
***

Sa dinami-dami ng matataas na posisyon sa gobyerno na nag-aabang pa rin ng pinakamahuhusay na mangangasiwa at ehekutibo, mas pinili ni President Marcos na palitan ang pinuno ng Bureau of Internal Revenue.

Noong Hulyo, itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos si Lilia Guillermo, isang dating BIR deputy commissioner at dating assistant governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, bilang pangunahing komisyuner ng BIR.

Bakit kaya bigla na lang niyang pinalitan si Guillermo ng deputy nito na si Romeo Lumagui Jr.?

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.