Bilang ng mga krimen sa nakalipas na 8 buwan, bumaba ng 8% – PNP

Bilang ng mga krimen sa nakalipas na 8 buwan, bumaba ng 8% – PNP

August 28, 2022 @ 2:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Bumaba ng 8 porsyento ang bilang ng mga naiuulat na krimen sa bansa mula Enero hanggang Agosto 2022, kumpara sa datos mula sa parehong period noong nakaraang taon, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.

Inihaya ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang kabuuang crime incidents at ilang index crimes– laban sa mga indibidwal at pagmamay-ari– ay bumaba mula Enero hangang Agosto 15, 2022.

Subalit, tumaas umano ang kaso ng theft ng 8.62 porsyento ngayong taon, maging ng robbery ng .49 porsyento.

Binanggit din ni Fajardo ang mga naiuulat na insidente ng pandurukot sa ilang bahagi ng bansa kamakailan, at nilinaw na naresolba na ang karamihan sa mga ito.

“Hindi natin maikakaila na in recent weeks ay may mga naitala tayong insidente ng pagdukot, pagkawala, at ilang araw ay nakikitang patay na ang biktima. Subalit, ang mga naitala nating insidenteng ito ay naresolba na ng PNP at nahuli na ang suspek, nakasuhan, at kasalukuyang naka-detain sa ating mga police stations,” aniya.

Sinabi rin ni Fajardo nitong Huwebes na nakapagtala ang PNP ng 25 insidente ng kidnapping mula Enero hanggang Hulyo 2022, na karamihan ay may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), at naresolba na rin. RNT/SA