Bilang ng mga senglot na drayber, dumami – LTO

Bilang ng mga senglot na drayber, dumami – LTO

September 12, 2022 @ 2:02 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naaalarma ang Land Transportation Office (LTO) sa lumulobong bilang ng mga kaso ng drunk driving o mga drayber na nagmamaneho kahit nakainom.

Ito ay makaraang iulat ng Law Enforcement Service-Anti-Drunk and Drugged Driving Enforcement Unit ng LTO na mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, sa 402 na car crash na kanilang nirespondehan, 353 sa mga ito ay lasing o nakainom.

Sa naturang bilang, 15 ang nasawi at 232 naman ang mga nasaktan.

Dahil dito ay nagbabala ang ahensya na ang sinumang mahuhuling magmamaneho nang nakainom o mahigit 0.05% ng alcohol ay mahaharap sa reklamo at penalty sa paglabag sa Republic Act 10856 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Ang mga drayber naman ng truck, bus, motorsiklo at iba pang pampublikong sasakyan na hihigit sa 0.0% ang alcohol content sa katawan ay nangangahulugang nagmamaneho sa impluwensya ng alcohol. RNT/JGC