Bilang ng nurses sapat pa; pagdagsa ng COVID patients pinaghahandaan na- PNA

Bilang ng nurses sapat pa; pagdagsa ng COVID patients pinaghahandaan na- PNA

January 2, 2022 @ 11:36 AM 8 months ago


MANILA, Philippines- Siniguro ng Philippine Nurses Association (PNA) nitong Linggo na sapat pa ang bilang ng mga nars sa healthcare facilities subalit naghahanda na umano sila sa pagdami ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Sinabi ni PNA president Melbert Reyes sa dzBB na habang nakababahala ng pagtaas ng kaso ng virus, mayroon pa umanong sapat na bilang ng mga nars na tutugon sa kanila.

“Sa ngayon ay kaya pa naman pero pinaghahandaan natin ‘yung possibility na magkaroon ng katulad ng sa ating (Delta) bugso ng bilang ng mga nao-ospital,” aniya.

Nitong Sabado ay inanunsyo ng Justice Jose Abad Santos General Hospital na pansamantala itong magsasara sa pagtaas ng COVID-19 infections sa mga pasyente at manggagawa nito.

Gayundin, inanunsyo rin ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center na pansamantala munang hindi tatanggap ng mga pasyente sa emergency rooms sa pagtaas pa rin ng COVID-19 infections sa mga tauhan nito.

“Nakalulungkot nga ‘yon kasi despite ng kanilang vaccination and pag-iingat ay ‘yan, marami na naman tayong mga health workers na nai-infect ng COVID-19,” pahayag ni Reyes.

Subalit iginiit niya na karamihan sa mga nars na nag-positibo sa COVID-19 ang asymptomatic o may mild symptoms lamang.

Ani Reyes, isa sa mga dahilan sa pagtaas ng kaso ng virus ay ang pagiging kampante ng mga indibidwal sa pagsunod sa minimum public health standards.

“Talagang hindi naman kasi maiiwasan. Halos dalawang taon nang napigilan ‘yung movements ng mga tao kaya siguro nu’ng nakita ng onting pagluluwag ay hindi natin napigilan ang activities ng mga tao,” sabi niya.

Inilagay ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang National Capital Region sa ilalim ng Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15, 2022, kasunod  ng pagtaas sa naitalang COVID-19 cases.

Nitong Sabado ay umabot sa 3,617 bagong COVID-19 infections ang naitala sa pagpasok ng taon. RNT/SA