Bilang ng Pinoy workers sa POGO tumaas – BIR

Bilang ng Pinoy workers sa POGO tumaas – BIR

October 6, 2022 @ 2:21 PM 2 months ago


Manila, Philippines-Lalo pang tumaas ang bilang ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operator sa pagitan ng 2020 at 2022.

Ito ang ibinunyag ng Bureau of Internal Revenue, isa sa maraming ahensyang inimbitahan sa pagdinig ng Senate committee on ways and means sa economic cost at pakinabang ng POGO operation sa bansa.

Sa datos na ibinahagi ni BIR Director Sixto Dy Jr., noong 2022, may 16,736 manggagawang Filipino ang nagtatrabaho sa licensed POGO. Mas mataas ito sa 15,745 na naitala noong 2021 at 13,991 naman noong 2020.

Kabaligtaran nito, ang bilang ng dayuhang POGO workers ay bumaba sa 14,838 noong 2021 mula sa 28,394 noong 2020 bago umangat sa 17,509  noong 2022.

Sa porsyento ng POGO workers, nitong 2022, umabot sa 48.87 porsiyento ang bilang ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa industriya, 51.58 porsiyento noong 2021 at 32.98 porsiyentong naman noong 2020.

Sa position paper na pinadala ng BIR sa Senado, sinabi ni Dy na  “data provided by the Bureau of Local Employment shows that there has been a gradual increase of Filipino workers as against foreign nationals employed in the POGO industry.”

“From only 14.19% in year 2019, Filipinos currently comprised 48.87% of the total workforce in the industry,” saad pa niya sa komite.

Sa ilalim ng Republic Act 11590 o POGO law, lahat ng dayuhang POGO ay obligadong magparehistro sa BIR, kumuha ng  tax identification number (TIN) at bayaran ang final withholding tax (FWT) ng 25% ng kanilang gross income.

Ang FWT kada indibidwal, batay sa nakasaad sa batas, ay hindi dapat bababa sa P12,500 at dapat i-remit kada buwan. RNT