Bilang ng severe, critical cases ng Omicron variant, sub-variant mababa – DOH

Bilang ng severe, critical cases ng Omicron variant, sub-variant mababa – DOH

October 23, 2022 @ 10:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nananatiling mababa ang bilang ng malubha at kritikal na pasyente ng COVID-19 na nahawaan ng Omicron coronavirus variant at mga subvariant nito sa bansa, sinabi ng isang opisyal ng Department of Health (DOH).

Sinabi ni DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea De Guzman na ito ay batay sa pagsusuri ng DOH sa mga resulta ng Covid-19 positive samples na sumailalim sa buong genome sequencing.

“Kung itatanggal natin doon itong mga bagong emerging variants like BA.5, XBB, XBC, makikita natin na while mababa na nga yung proportion ng naging severe and critical for Omicron, mas mababa pa by almost half yung mga naging severe and critical for these new variants,” ani De Guzman.

Ang Delta variant pa rin ang may pinakamataas na bilang ng malala at kritikal na kaso, sabi ni De Guzman.

Samantala, nairehistro ng variant ng Alpha ang pinakamataas na case fatality rate sa mga variant ng Covid-19 na virus na nakita sa bansa. Sinundan ito ng variant ng Delta.

Dagdag pa ni De Guzman, nanatili na mababa ang Omicron na nasa 1.62 percent at sa ngayon ang BA.5, XBB o XBC ay mas mababa pa sa 0.28 case fatality rate.

Gayunman giit ni De Guzman, maaaring magbago ang mga numerong ito lalo na ang malubha, kritikal, at case fatality rate sa mga emerging variants dahil nakikita aniya na mas marami pang makikita sa mga ito sa susunod na ilang linggo o buwan habang ipinagpapatuloy ang pagsubaybay sa sakit at nang genomic surveillance

Sinabi pa niya na inaasahang lalabas pa rin ang mga bagong variant ng COVID-19 virus. Gayunpaman, ang transmisyon ng virus na ito ay maaaring mabawasan sa tulong ng pagbabakuna at sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum public health standards. Jocelyn Tabangcura-Domenden