Bilang No. 1 promoter ng bansa: FOREIGN TRIP NI PBBM, IDINIPENSA NI BONG GO

Bilang No. 1 promoter ng bansa: FOREIGN TRIP NI PBBM, IDINIPENSA NI BONG GO

January 29, 2023 @ 3:49 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng mga paglalakbay sa ibang bansa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang makatulong sa pagpapalakas ng aktibidad ng ekonomiya ng Pilipinas.

“Ang ating Pangulo po ang number one manager natin sa pag-e-encourage ng mga investor,” ani Go sa pagtatanggol sa foreign trips ng Pangulo.

Gaya aniya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa unang taon ng presidency, ay talagang umikot si FPRRD, hindi lang para magbigay ng kortesiya sa mga lider ng ibang bansa, kundi para i-promote ang Pilipinas at makahikayat ng mamumuhunan.

Ginawa ni Go ang pahayag sa ambush interview  sa kanya habang nasa Kawit, Cavite nang pangunahan niya ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center.

Ipinagtanggol ni Go si Pangulong Marcos at ipinaliwanag na ang mga paglalakbay sa ibang bansa ay makatutulong nang malaki sa Pilipinas na makaakit ng mga potensyal na investment.

Sinabi ni Go na matapos bumagsak ang ekonomiya ng bansa dahil sa pandemya ng COVID-19, kailangan ng Pangulo na magsagawa ng face-to-face diplomatic engagements upang makatulong sa pag-angat ng ekonomiya, pagsisimula ng mga alyansa, at buksan ang mga pinto sa mas maraming oportunidad na pakikinabangan ng mga Pilipino.

“Mahigit dalawang taon pong bagsak ang ating industriya, marami ang nawalan ng trabaho at hanapbuhay, kailangan po nating i-promote muli ang ating bansa,” ayon sa senador.

Opstimistiko si Go na ang foreign trips ni PBBM ay napakahalaga sa pagtugon sa mga pangangailangan, lalo ng mahihinang sektor, tungo sa pagbangon ng ekonomiya.

“The President is our number one marketing agent po, naintindihan ko na kailangan n’ya talagang i-encourage ang mga investor na pumasok sa ating bansa. Bigyan muna natin ng pagkakataon ang ating mahal na Pangulong Marcos na gawin ang kanyang trabaho. Para po ito sa kapakanan ng ating bansa,” idiniin ni Go.

Pinuri ni Go ang ilan sa mga pangunahing kasunduan na nailatag sa mga paglalakbay sa ibang bansa ni Marcos, tulad ng Memorandum of Understanding for Cooperation in the Development and Promotion of Creative Economy sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Indonesia at ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas; Renewal ng MOU on Water Collaboration sa pagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ng bansa at ng Public Utilities Board ng Singapore; Pagpapatupad ng MOU sa turismo sa pagitan ng Department of Tourism(DOT) ng Pilipinas at ng Ministry of Culture and Tourism ng Tsina; at Mutual recognition agreement sa pagitan ng General Administration of Customs ng China at Bureau of Customs (BOC) ng Pilipinas sa awtorisadong economic operator program, bukod sa iba pa.

Naging matagumpay din ang pagdalo ng Pangulo sa World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland, kung saan ilan sa mga negosyante ang nagpahayag ng kanilang interes na pasiglahin ang economic activities sa bansa. Samantala, iniulat ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang positibong pagtaas ng investment pledges matapos ang paglalakbay ni Marcos sa WEF.

Sa kanyang bahagi bilang mambabatas, muli niyang iginiit ang kahalagahan ng pagbibigay ng suporta sa micro, small, and medium enterprises, at mga manggagawa.

Inihain ni Go sa Senado ang Senate Bill No. 1182 o ang panukalang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act.

Layon nito na palakasin ang kapasidad ng mga financial institutions ng gobyerno na magbibigay ng tulong pinansyal sa mga MSME, at iba pang kumpanya.

“Habang dahan-dahang bumabalik ang sigla ng ekonomiya, dapat suportahan natin sila at bigyan ng proteksyon ang ating mga manggagawa dahil sila ang tunay na backbone ng ating ekonomiya,” ani Go. RNT