Bilangan ng boto, ‘wag gawin sa Manila City Hall – Bagatsing

Bilangan ng boto, ‘wag gawin sa Manila City Hall – Bagatsing

April 26, 2022 @ 1:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nanawagan sa pamunuan ng Commission on Election (Comelec) ang isa sa mga kandidato sa pagka-Alkalde sa lungsod ng Maynila na huwag nilang hayaang sa Manila City Hall gawin ang “canvassing of votes” sa darating na eleksyon sa Mayo 9.

Ayon kay dating Manila 5th District Congressman at ngayo’y Mayoralty bet Amado Bagatsing, may dalawang linggo pa umano bago maganap ang national at local election kaya’t umapela siya sa COMELEC na proteksyunan ang boto ng mga Manilenyo at huwag hayaang sa Manila City Hall gawin ang bilangan ng boto.

“Inalis na nga sa City Hall yun e (canvassing of votes) inilagay sa isang neutral place tulad sa Ninoy Aquino Stadium tapos inilipat sa San Andres Sports Complex. E ngayon maayos na ang Ninoy Aquino stadium pati Rizal Memorial Stadium bakit hindi niyo ilipat donn?” giit ni Bagatsing.

“Kwestyunable naman po, magkakaroon na naman tayo ng problema sa integridad ng resulta ng darating na eleksyon,” dagdag pa ni Bagatsing.

Bukod dito, kinwestyon din ni Bagatsing ang isyung pinansiyal ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila dahil base sa kanilang nakuhang dokumento mula mismo sa website ng Department of Budget and Management ay may kikitain o makokoleksyon na P44 bilyon ang pamahalaang lungsod para sa taon 2022.

Paliwanag ni Bagatsing, batay sa datos ng DBM ang nasabing halaga ay galing sa mga naibentang assets o ari arian ng lungsod.

Dahil dito ay kinalampag ni Bagatsing ang pamahalaang lungsod ng Maynila para malaman aniya ng publiko kung anu-ano ang mga pag aari ng mga Manilenyo ang naibenta na.

Giit nito, hindi lamang ang lupa a kinatatayuan ng Divisoria Mall at isang building sa Escolta ang nasabing P44 bilyon dahil masyado aniyang malaki ito.

Dagdag pa ng dating mambabatas, nais nitong alamin ang “breakdown” ng P44 bilyon upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga Manilenyo kung tama ba ang presyo ng bentahan o dehado ang pamahalaan ng Maynila. RNT