Bilibid planong ilipat sa Nueva Ecija

Bilibid planong ilipat sa Nueva Ecija

January 24, 2022 @ 7:22 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Bumuo ang Bureau of Corrections (BuCor) ng task force na tututok sa paglilipat ng mga New Bilibid Prison (NBP) sa ibang lugar para masolusyunan ang siksikan national penitentiary, ayon sa isang Department of Justice (DOJ) official.

Sa interbyu kay Justice Undersecretary Deo Marco sa dzBB sinabi niya na “tentatively” tinitignan ng BuCor ang posibilidad na mailipat ang national penitentiary sa mega prison sa Nueva Ecija.

“Ngayong administrasyon na ito, gumawa na si (BuCor) Director General (Gerald) Bantag ng isang task force o committee para pag-aralan ito,” ani Marco.

“Nakapag-submit na sila sa DOJ ng kanilang proposal. Ito ngayon ay under serious consideration ng DOJ. May mga offers from third party kung saan lilipat. Tama po kayo, tentatively po sa Nueva Ecija pero under study pa rin ito,” dagdag pa ng opisyal.

Dagdag pa ni Marco posibleng mapabilis ang usapin sa paglilipat ng NBP dahil nakikipag-ugnayan ang DOJ sa Malakanyang ukol sa isyu.

Iginiit pa ni Marco ang nakabinbin na batas sa kongreso ukol sa paggawa ng hiwalay na kulungan para sa mga heinous crime inmates.

“Sabay ginagawa ‘yang transfer ng NBP at mayroong pending na panukalang batas para magkaroon ng separate facility na medyo mataas ang crimes na na-commit,” dagdag pa niya. RNT