Bilin ni VP Sara: Mga guro ‘wag isali sa vaxx program sa mga paaralan – Vergeire

Bilin ni VP Sara: Mga guro ‘wag isali sa vaxx program sa mga paaralan – Vergeire

August 6, 2022 @ 9:45 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Hiniling ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa Department of Health (DOH) na iwasan ang mga guro na makibahagi sa vaccination program sa mga paaralan upang bigyang-daan ang mga ito na tumutok sa kanilang mga klase sa pagbubukas ng bagong school year ngayong buwan.

“Kanina naibilin ni madam Vice President sa atin itong sinasabi niyang mobile… ang tagubilin niya sana huwag muna natin magamit ang mga guro para sa vaccination program ng eskwelahan dahil sila ay marami ring task during the start of the school,” sabi ni DOH officer-in-charge Rosario Vergeire sa press briefing kahapon, Biyernes.

“Kaya ang sabi ko sa kanya we will be coordinating with the DILG (Department of Interior and Local Government), so that the local government healthcare workers will be the ones to do the vaccination at yung bakunahan sila ang mag-organisa dito sa mga eskwelahan,” dagdag niya.

Ang mga paaralan ay tinukoy bilang venue para sa roll out ng pinaigting na kampanya ng gobyerno para mabakunahan at mabigyan ng booster shots ang mga indibidwal upang masugpo ang COVID-19.

Sinabi ni Vergeire na ang ahensya ay nakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) para makabuo ng health protocols para sa pagbubukas ng face-to-face classes ngayong Agosto.

“Unang una gusto natin ipahatid sa bawat isa na mayroon tayong tinatawag na healthy learning institutions, inumpisahan na po natin ito kung saan kasama ang pagbabakuna ng COVID-19 and other types of immunization for children dito sa healthy learning institutions,” sabi ni Vergeire.

Dagdag pa ni Vergeire, ang magiging safety protocols para sa mga bata kapag sila ay nagbalik-eskwela ay pinag-uusapan na rin. Ang ventilation ay dapat aniyang maayos sa bawat classroom at kailangan ding nakasuot ng mask ang mga kabataan pati na rin ang teachers at non-teaching personnel.

Bukod dito, pinagusapan din ang schedule ng pagpupunta sa lugar sa kanilang eskwelahan.

Ayon pa kay Vergeire, bilang bahagi ng health protocols, mayroon din aniyang safety officers sa mga eskwelahan na magsusubaybay sa mga estudyante, guro at non-teaching personnel.

Nauna nang sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na hindi pa rin mandatory ang pagbabakuna sa COVID-19 para sa mga mag-aaral na sasali sa face-to-face classes.

Sinabi ni Poa na hindi bababa sa 5.6 milyong mag-aaral sa buong bansa ang naka-enrol na para sa School Year 2022 hanggang 2023.

Sa bilang na ito, sinabi ni Poa na 3.3 milyong estudyante ang nakarehistro sa unang araw ng enrollment lamang na nagsimula noong Hulyo 25 hanggang Agosto 22. Jocelyn Tabangcura-Domenden