BILISAN ANG PAG-UBOS SA POLICE SCALAWAGS

BILISAN ANG PAG-UBOS SA POLICE SCALAWAGS

August 9, 2018 @ 12:13 PM 4 years ago


Sa kabila ng pagsusumikap ng pamahalaan at pamunuan ng pulisya na ilarawan ang buong pamahalaan na tagapaglingkod at tagaprotekta ng mga mamamayan, meron at merong mga iskalawag na sumisira rito.

Kabilang sa mga nakatatakot na pinaggagagawa ng mga iskalawag, lalo na sa hanay ng mga pulis, ang kidnapping for ransom.

Nakatatakot dahil makaraan kang kidnapin, wala nang nakaaalam kung mabubuhay ka pa o hindi na kahit pa makapagbigay ka pa ng ransom.

Nakatatakot dahil may mga iskalawag na mismo pang ang kanilang istasyon ang ginagawang taguan ng kanilang mga biktima at lugar ng negosasyon.

Nakatatakot din dahil talagang nagagawa nilang magmukhang ligal ang lahat ng kanilang mga ginagawa, lalo’t may dala-dala silang mga armas, uniporme, tsapa at sasakyang iniisyu pa mismo ng pamahalaan o pulisya.

At nakatatakot din dahil hindi sila nasasabat o natse-checkpoint dahil mga pulis nga sila.

SIERVO GROUP

Pinakahuling nakumpirma na KFRG na pulis ang kay PO1 Michael Omiping Siervo na pulis-Laguna.

Kumidnap sila ng isang dating naugnay sa droga na ang nirentahang apartment ay natagpuang isang drug laboratory ilang taon na ang nakalilipas.

Humingi sina Siervo ng P300,000 na ransom para sa biktimang si Bonifacia Pascual Arcita na taga-Calamba subalit naibaba ito sa P120,000 kung saan P20,000 ang unang ipinadala ng pamilya ng biktima.

Dinala si Arcita sa bahay mismo ni Siervo sa Purok 4, Brgy. Tranca sa bayan ng Bay, Laguna.

Pinalaya ang biktima nang naramdaman na nina Siervo na kumikilos na ang Anti-Kidnapping Group ni Supt. Glenn Dumlao laban sa kanila.

Kasama sa KFRG ang asawa ni Siervo na hindi pinangalanan ng mga awtoridad at sina PO1 Jonathan Galang at PO2 Renald Carandang.

Pinaniniwalaang pinatay nina Siervo ang isa nilang kasamahan na si PO2 Gerald Acio dahil sa double cross at posibleng pagbaligtad nito laban sa kanila.
May iba pa umanong kasamahang pulis sina Siervo.

MARU GROUP

Ito namang grupo ni PO2 Joey Maru ang itinuturo na gumawa ng mga serye ng kidnapping sa Taguig City saka ipinatubos ng malalaking halaga ang kanilang mga biktima.

Kasama ni Maru sina PO1 Gererdo Ancheta na napatay sa engkuwentro nitong Hulyo 31 lamang, PO1 Bryan Amir Bajoof at PO1 Paolo Ocampo.

Pero meron pang nakilalang iba na kasamahan ng mga ito, kasama ang isang babaeng pulis, makaraang may magreklamo bukod sa dalawang magkasunod na biktima ng mga ito.

Istayl nina Maru na pagbintangan ang mga biktima nila na sangkot sa droga kaya inaakyat-bahay ang mga ito saka dadalhin sa presinto nila para lang idetine at hingan ng salapi kapalit ng kalayaan.

MUNTI COPS

Nabuking din ang kidnapping for ransom ng mga pulis na sina Senior Police Officer 1 Psylo Joe Jimenez Malabuyo, PO3 Romeo Par Portento, PO2 Farvy Dela Cruz Opalla at PO1 Jon-Jon Averion Cacao.

Ngayon naman ay nagtatago ang kanilang pinuno na si Sr. Inspector Mark Kevin Pesigan, kasama sina SPO1 Edgardo Zervoulakos Diaz, PO3 Charlie Miranda Chua at PO3 Roderick Salvador Villanueva.

Nangidnap sila ng mag-ina na pinagbintangang sangkot sa droga.

Dinala ang ina at anak nitong may diperensya mismo sa istasyon ng mga pulis saka pinatubos ng P400,000 na natawaran ng mga biktima ng P40,000.

Mabuti na lang at mabilis ang pagkilos ng mga tauhan ni NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar at Muntinlupa Police laban sa grupo nina Pesigan at naaresto nga sina Malabuyo.

HINDI BAGO

Ang totoo, hindi bago ang ganitong kaso dahil matagal nang nagaganap ito kahit bago pa dumating ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung matatandaan ninyo, naging kontrobersyal ang KFR ng Quezon City Police nang bumiktima ang mga ito sa mismong gitna ng EDSA saka dinala sa isang QC police station at kinunan ng ilang milyong piso.

Ang nakapaninindig-balahibo ay ang kaso ng Koreanong si Jee Ick Joo na dinukot sa Pampanga, pinatay mismo sa Camp Crame saka pinasunog ang bangkay nito kasunod ng pag-flash sa inidoro ng abo nito sa puneraryang pag-aari naman ng pulis sa Caloocan City.

BIGTIME NA KITA
Hindi kuntento ang mga iskalawag na ito sa pagkalinga sa kanila mismo ni Pangulong Digong at kanilang mga pinuno na sina DG Oscar Albayalde at C/Supt. Eleazar.

Dinoble na ang kanilang sahod at sinigurado ang edukasyon, pabahay at matatag na kinabukasan ng pamilya ng mga ito pero mas ninais nila ang big time na kita.

Binigyang-buhay ng mga iskalawag na ito ang kasabihang “money is the root of all evil.”

Sa ganitong kalagayan, mga Bro, dapat ubusin ang mga iskalawag upang hindi pamarisan ng iba at maligtas ang mga mamamayan sa kapahamakan.

oOo

Anomang reaksiyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa [email protected] – ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA