Bill sa pagbabawal ng pananakit bilang parusa sa mga bata, OK na sa Senado

Bill sa pagbabawal ng pananakit bilang parusa sa mga bata, OK na sa Senado

October 9, 2018 @ 12:01 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang mga measure sa pagbabawal ng ‘corporal punishment’ o pananakit sa mga indibidwal na edad 18-anyos pababa at pagsulong sa positibo at maayos na pagdidisiplina sa mga bata.

Layunin ng Senate Bill no. 1477 na protektahan ang kabataan mula sa anumang klase ng pananakit at mental violence sa pamamagitan ng pagbabawal sa pamamalo, pagsipa, pananampal at paghampas sa anumang parte ng katawan ng bata gamit man o hindi ang mga instumento gaya ng walis, sinturon at iba pa.

Ayon pa kay Senator Risa Hontiveros, sponsor ng naturang bill, ang pagsabunot sa mga bata, paghagis, pagpilay o pagsugat sa balat ng bata ay ipagbabawal na din.

Bukod pa rito, ipinagbabawal din ng bill ang pamimilit sa mga batang magsagawa ng nakasasakit na gawain gaya ng squatting, pagtayo o pag-upo sa hindi komportabelng paraan, paghawak ng mabibigat ng bagay sa matagal na panahon, pagluhod sa mga bato o asin, pati na rin ang verbal abuse gaya ng pananakot, pagmumura at pamamahiya sa publiko.

“This bill seeks to develop a comprehensive program to provide parents and those who exercise parental authority over children with adequate parenting tools and learning resources in employing a positive and non-violent way of disciplining children,” ayon kay Hontiveros, chairperson ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality.

“Corporal punishment, while seemingly benign, poses a serious danger not only because of its prevalence in our households and communities but because of its appearance of inoffensiveness,” ayon pa sa senador.

Ayon pa kay Hontiveros, ang mga magulang na nakaranas ng ganitong mga parusa ay ipinagpapatuloy ang ganitong gawain sa kanilang mga anak.

Dahil dito, binigyang diin ng senador na ito ay dapat nang maitigil./Remate News Team