Manila, Philippines – Sa kabila ng malakas na pagbuhos ng ulan dahil sa bagyong Henry ay hindi nagpapigil ang mga supporter ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na baklasin ang ikinabit nilang billboard sa North Luzon Expressway (NLEX).
Sinabi ng isa sa mga naglagay ng tarpaulin ni Go sa Candaba viaduct sa North Luzon Expressway na inalis nila ang ikinabit nilang billboard dahil nirerespeto nila ang kalihim sa panawagan nito.
Ani Christine Yu na anuman ang personal funds na mayroon sila ay ibibigay na lang nila sa mahihirap tulad ng panawagan ni Go.
Ipinaliwanag ni Yu na inilagay nila ang billboard kasi matagal na silang supporter ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at naniniwala sila sa plataporma nito gayundin ang paniniwala nila sa kakayanan ni Go.
Samantala, maliban kay Yu, isa pang supporter nina Pangulong Duterte at Go ang lumutang pero nakiusap na ‘wag nang pangalanan para ipaliwanag na nagpalagay siya ng mga tarpaulin ng Kalihim sa EDSA dahil gusto nilang ipakita ang suporta nila sa dalawang opisyal.
Nanindigan din itong personal niyang pera ang ginastos at naninindigan siyang karapatan niyang maghayag ng kanyang saloobin.
Gayunman, bilang respeto sa pakiusap ni Go ay tumugon siyang alisin ang mga ito.
Bukod sa pakiusap, bumuwelta rin si Go sa mga dilawan na ginagamit ang mga billboards, tarpaulins at posters na ikinabit ng mga supporters ni Go.
Ani Go, kahit iilan lamang ang kalaban ng administrasyon na pawang dilawan ay sakay na sakay ng mga ito ang isyung sa kanilang palagay ay kanilang mapakikinabangan.
Ibinalik din ni Go ang salitang ‘epal’sa mga dilawan, “kayo ang epal. Kayo ang nag-umpisa ng epal. Hindi namin ugali ni Pang. Duterte ang maglagay ng mukha at pangalan.”
Ayon pa sa opisyal, 20 taon na silang magkasama ng Pangulo kaya’t kilalang-kilala na siya nito. (Kris Jose)