Billy, may mensahe kay Vhong!

Billy, may mensahe kay Vhong!

December 12, 2022 @ 4:30 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Isa si Billy Crawford sa mga malalapit na kaibigan ni Vhong Navarro. Kaya naman masaya siya nang malaman na nabigyan ng temporary liberty si Vhong mula sa kinahaharap nitong rape case na isinampa ni Deniece Cornejo noong 2014.

Nakalabas si Vhong ng Taguig City Jail noong December 6, 2022 matapos magpiyansa ng isang milyong piso.

Pinayagan ng korte na makapagpiyansa ang actor-host.

Paliwanag ng korte, hindi kinakitaang may presumption of guilt si Vhong, kaya puwede itong pansamantalang makalaya.

“Syempre naman, sino ba naman ang hindi matutuwa sa balitang ito, especially itong Paskong ‘to na dapat magkasama ang mga pamilya, ‘di ba?” sabi ni Billy nang ma-interview ni Mama Loi para sa Ogie Diaz Showbiz Update.

Patuloy niya, “Actually, nag-text-an na kami ni Kuys [Vhong] and I’m just really happy sa kanya na, at least, makakasama niya ‘yung anak niya, makakasama niya ‘yung asawa niya, at magiging buo yung Pasko nila.”

Umaasa rin si Billy na magtuluy-tuloy ang pag-usad ng kaso ni Vhong sa maayos na paraan.

“Naging malungkot sa buong industriya at sa buong Pilipinas, actually, nu’ng nakulong siya.

“Pero at the end of the day, sana ma-resolve nang tama at sana ipagdasal pa rin natin si Vhong kasi medyo mahaba-haba pa rin ang pagdadaanan niya.

“Siyempre, legal matters na ito hindi tayo puwedeng makisawsaw lang.

“So, kung ako lang, natutuwa ako dahil sa kaibigan ko na nakabalik siya sa pamilya niya ngayong Pasko,” aniya pa. Rommel Placente