Bilyong kabataan nanganganib mabingi sa headphones

Bilyong kabataan nanganganib mabingi sa headphones

November 17, 2022 @ 9:49 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanganganib na mawalan ng pandinig ang nasa isang bilyong mga kabataan sa buong mundo dahil sa paggamit ng headphones at pagdalo sa mga lugar na may malalakas na tunog katulad na lamang ng mga concert at party.

Ito ang lumabas sa pag-aaral nitong Miyerkules, Nobyembre 16 na pinangunahan ng World Health Organization.

Sa analysis na ipinalabas ng BMJ Global Health journal mula sa 33 pag-aaral na inilathala sa English, Spanish, French at Russian sa nakalipas na dalawang dekada sakop ang 19,000 participants ng mga kabataan edad 12-34, lumabas na 24% sa mga ito ang may hindi ligtas na paraan ng pakikinig gamit ang kanilang headphones.

Samantala, 48% naman sa mga ito ang exposed sa hindi ligtas na lebel ng tunog sa mga entertainment venues tuald ng concert o nightclubs.

Kung pagsasamahin ang mga pag-aaral na ito, tinatayang nasa 670,000 hanggang 1.35 bilyon na kabataan ang nanganganib na mabingi.

Dahil dito, nagpaalala si Lauren Dillard, audiologist sa Medical University of South Carolina at kauna-unahang may-akda sa naturang pag-aaral, na ang pinakamabuting paraan upang mabawasan ang panganib ng hearing loss ay bawasan ang volume ng kanilang headphones at makinig lamang sa mas maikling oras.

“Unfortunately, people do really like very loud music,” aniya. RNT/JGC