Bilyong pondo na nakatengga sa PITC, DBM-PS  ipinababalik ni Drilon sa Treasury

Bilyong pondo na nakatengga sa PITC, DBM-PS  ipinababalik ni Drilon sa Treasury

August 26, 2021 @ 2:46 PM 10 months ago


Manila, Philippines – Inatasan ni  Senate Minority Leader Franklin M. Drilon nitong Huwebes ang Philippine International Trading Corporation (PITC) at Department of Budget and Management –Procurement Services (DBM-PS) na ibalik ang lahat ng pondong nakatengga sa kanilang ahensiya.

Sa pahayag,  bagama’t  pinasalamatan ni Drilon ang pagkilos ng PITC na sundin ang kanyang panawagan na ibalik ang bilyong hindi nagamit na pondo sa national treasury bilang  suporta laban sa COVID-19, dapat ibalik ang kahuli-hulihang sentimo ng pondo.

“This is consistent with the findings of the COA, the Government Auditing Code of the Philippines and the provision in the Republic Act No. 11520 that extended the availability of the 2020 national budget,” ayon kay Drilon.

Tinukoy ni Drilon ang RA 11520 na tahasang nagsasabi na: “Any balances of fund transfers in the books of the PITC shall revert to the unappropriated surplus of the general fund” upon its effectivity” sa December 2020.

Si Drilon ang nagsingit ng probisyon sa batas  na inaatasan ang procurement agencies ng pamahalaan na ibalik ang hindi nagamit na pondo sa national treasury.

“According to the 2020 COA report, the balance of the fund transfers amounting to a little over P11 billion from various source agencies, specifically national government agencies, were not returned to the concerned source agencies or the Bureau of Treasury contrary to audit guidelines as well as the general provisions of the prior year’s General Appropriations Act, “ayon kay Drilon.

Naunang iniulat ng PITC na ibinalik nito ang 5.2  bilyong pondo sa Bureau of Treasury.

“Is the P5.2 billion being reported as having been returned part of the P11.02 billion flagged by COA?” tanong ni Drilon.

Kundi, ayon kay Drilon dapat ibalik ang kabuuang ng pondo sa lalong madaling panahon.

“Ilang milyong bakuna ba ang mabibili sa P11 bilyon? Ilang pamilya ang makakatanggap ng P4,000 kung maibabalik nang buo ang P11 bilyon?” ayon kay Drilon.

Sinabi ni Drilon na kapag naibaik  ang P11 bilyon, makabibili ang pamahalaan ng 22  milyong doses ng bakuna at mabibigyan ng ayuda ang 2.7 milyong pamilya.

Iginiit pa ni Drilon na dapat  ganito din ang gawin ng kontrobersiyal na    Procurement service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Naunang pinuna ng COA na umaabot sa P11.86 bilyon ang dormant funds sa PS-DBM na hindi nagagamit ng ilang taon.

“The PITC and PS-DBM have no right to keep this huge sum of taxpayers’ money. Pursuant to Section 65 of Presidential Decree No. 1445 or the Government Auditing Code of the Philippines, all interest earning of the fund transfers must be remitted to the national treasury,” giit ni Drilon.

“Consistent with the provision of RA 11520, any balances of fund transfers to procurement agencies should revert to the general fund,” dagdag niya.

Inatasan din ni Drilon ang  Department of Finance (DOF) na suriin ang naturan pondo na itinatago ng PITC at Ps-DBM na labag sa batas. Ernie Reyes