BI,MAY KASALANAN SA MGA KRIMEN NG POGO

BI,MAY KASALANAN SA MGA KRIMEN NG POGO

September 24, 2022 @ 6:45 PM 2 months ago


MAGANDA ang layunin nang pagpasok sa bansa ng Philippine offshore gaming operators.

Nagsimula ito noong 2017 makaraang bigyan ng permiso ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.

 Malaki raw ang kikitain ng bansa at makatutulong sa paglaki ng buwis. Gaganda rin daw ang turismo sa pagpasok ng mga dayuhang Chinese.

Uma­bot sa 130,000 ang mga Chinese sa bansa noong 2017. Sa kasalukuyan, hindi mabatid kung ilan ang kabu­uang bilang ng mga Chinese na nasa bansa.

Walang malinaw na datos ang Bureau of Immigration.

Ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), sa una ay kumita ang bansa dahil sa ibinayad na buwis subalit ngayon ay bumagsak ang revenue collection.

Ang pagbagsak ng koleksiyon sa POGOs ay sinabayan ng maraming krimen, sangkot ang mga Chinese.

Kaliwa’t kanan ang pangi­ngidnap na pawang Chinese ang kidnaper at biktima. Karamihan sa kinikidnap ay mga natatalo sa sugal at hindi nakaba­bayad.

Kamakailan, nailigtas ng ating mga awtoridad ang mga Chinese na walang passport, o anumang papeles.

Ito marahil ang bunga ng nabunyag na “pastillas scam” ng mga tiwali sa Bureau of Immigration.

Ilang taga-immigration ang kumita ng limpak-limpak na salapi sa nasabing scam. Habang perhuwisyo naman ang ibinigay sa bansa dahil sa lumalang krimen at pagkalugi sa buwis. Iilang bulsa lang ang nakinabang.

Kaya nanggigigil ang maraming senador na maipagbawal na ang POGO. Pero may mga senador na tutol na itigil ang POGO sa pagsasabing kaya pa naman itong patinuin.

Sa ganang akin, tama ang ilang senador na huwag itigil kung may maganda rin itong naidudulot.

Ang dapat alamin ay kung saan ba nag-ugat ang problema? Ito ang ang kinakailangang lutasin.

Pumangit lang naman ang operasyon ng POGO dahil sa mga kurap sa BI. Sila ang mga nagsipagpabaya kaya nakapasok nang iligal ang maraming Chinese hanggang sa naghasik ng kaguluhan.

Ang sistema ng mga kurakot sa ating immigration ang nagpasama ng tingin sa POGO. Malinaw na maraming namumuni sa kanila sa scam. Hindi nabantayan at naawat ang paghugos ng illegal Chinese kaya naganap ang mga kabulastugan.