Binabangungot na kasi sa mga sinasabi: Malakanyang, pilit na ginigising si Joma Sison

Binabangungot na kasi sa mga sinasabi: Malakanyang, pilit na ginigising si Joma Sison

July 2, 2018 @ 4:12 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Pilit na ginigising ng Malakanyang si Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison sa mahimbing na pagkakatalulog nito nang magbabala na hindi matatapos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang termino.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na mahirap na manatiling tulog si Joma Sison sa edad na 70 ay baka  bangungutin ito dahil sa masamang panaginip nito.

“Mantakin niyo patatalsikin daw si Presidente ‘di raw matatapos ang termino …jooomaaaah sisoooooon gumising kanaaaaaa, managinip ka na ‘di ka pwede magpatalsik ng gobyerno ‘pag ika’y nasa Europa napakatagal mo na diyan umuwi ka na dito, ikaw ay mabuhay dito sa Pilipinas nang makita mo iba nang kondisyon yung mga pinapanaginip mo di naman mangyayari. Napakaganda na ng ekonomiya ng bansa bagamat meron pa ring kahirapan napakarami nang nakaahon sa hirap palibhasa napakatagal mong nagpapakasasa sa ibang lugar di mo na alam ang kondisyon dito sa Pilipinas,” ayon kay Sec. Roque.

Bahagi na lamang aniya ng panaginip ni Joma Sison ang mga sinasabi nito.

“Kasi sitenta-anyos nang nagbabantang patalsikin ng CPP NPA ang gobyerno ‘di mangyayari so another 30 years umasa ka pa rin, managinip ka pa rin di mo pa rin mapapatalsik ang gobyerno ng Pilipinas,” lahad nito.

Pinakiusapan din niya ito na tigilan na ang pagdakdak.

Kung gusto aniya ni Joma Sison na talagang  makatulong sa mga Pinoy ay umuwi na lamang siya sa Pilipinas at maging bahagi  ng isang mas komportableng bayan para sa lahat ng sambayanang Pilipino.

Samantala, kasalanan ni Joma Sison kung bakit hindi natuloy ang usapang pangkapayapaan ng komunistang grupo sa pamahalaan.

Sinabi ni Sec. Roque, na umayaw si Joma Sison na isulong pa ang peace talks sa gobyerno.

“Hindi po kasalanan ng gobyerno na ‘di natuloy ang peace talks. Si Joma Sison po ang umayaw. Tayo po ay mga Pilipino ang sabi ng Presidente dito tayo mag-usap ng kapayapaan. Binigyan ng garantiya na ‘di siya ikukulong, pinawalan nga ang anim na mataas na liderato ng CPP-NPA para makasapi sa peace talks,” ani Sec. Roque.

Lumabas din aniya ang kayabangan ni Joma Sison at ipakita sa lahat na siya ay isang savior ng bansa matapos hindi sundin ang pakiusap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itigil  ang pangongolekta ng revolutionary taxes ng gobyerno na magbibigay ng pangangailangan ng CPP-NPA habang nag-uusap ng kapayapaan. (Kris Jose)