BINAGONG PUBLIC SERVICE ACT, BANTA SA PAMBANSANG SEGURIDAD

BINAGONG PUBLIC SERVICE ACT, BANTA SA PAMBANSANG SEGURIDAD

November 28, 2022 @ 11:24 AM 2 months ago


KAMAKAILAN ay mariing tinuligsa ng law expert at kontrobersiyal na si Atty. Larry Gadon kasama si United Filipino Consumers and Commuters  President Rodolfo Javellana, Jr. ang natuklasang inamyendahang Public Service Act ng Kongreso nitong nakalipas na July 26, 2021 at pinagtibay ng nagdaang Duterte administration.

Sa isang pulong balitaan, tahasang sinabi ni  Gadon na unconstitutional ang ginawa ng ilang kongresista na baguhin ang kahulugan ng public utility dahilan na  hindi tama at dehado ang taumbayan sa naturang hakbangin.

Iginiit ng abogado  na tanging ang Supreme Court lamang ang maaring mag-interpret ng katagang ‘public utility’ sapagkat ito ay nakasaad sa Konstitusyon at ito ay hindi maaring baguhin ng Kongreso sa pamamagitan lamang nang pagpasa ng isang batas.

Ating napag-alamang nagsampa na rin ng petisyon si Javellana sa Korte Suprema para hamunin ang legalidad at Constitutionality ng Republic Act 11659 kaugnay sa ginawang pag “shortcut” ng ilang mambabatas sa naturang usapin ng hindi isinasapubliko ito.

Bukod pa rito, sinabi pa ni Gadon na sa ginawang pag-amyenda, binago na rin nito ang tunay na kahulugan ng public utility kung kaya’t nakikitang niluto o minaniobra ang naturang batas.

Kaya naman lubhang nakababahala ang naturang usapin dahil sa napipintong magkaroon ng matinding smuggling, pagpasok ng iligal na droga, mga armas na maaaring ipanlaban sa ating gobyerno dulot nang pagpayag ng ilang kongresista na mahawakan ng mga dayuhan ang ating mga paliparan dahil sa naturang hakbang.

Kaya naman naniniwala si Gadon na may malaking epekto ito sa pambansang seguridad ng ating bansa kung kayat nararapat lamang na aksyunan ito agad ng Kataas-taasang hukuman sa lalong madaling panahon.

Nagduda rin si Gadon na ginawa ang pag-amyenda sa kalagitnaan pa ng pandemya kung saan abala ang karamihan sa krisis pangkalusugan.

Ano ba naman yang pinaggagagawa ng ilan nating mambabatas  sa mababang kapulungan ng Kongreso? Sa halip na interes ng taumbayan ang unahin, inuna ang interes ng mga dayuhan. Tama na, sobra na.Para sa inyong mga komento o sumbong, maaari po kayong tumawag o mag text sa ating 1-Ang Edukasyon Party-list Hotline: 0927.930.25.81 at makaka asa po kayo sa agarang tugon ng inyong mga mensahe.