Biñan isinailalim sa state of calamity

Biñan isinailalim sa state of calamity

November 1, 2022 @ 12:15 PM 1 month ago


BIÑAN CITY, Laguna – Idineklara ng local government unit (LGU) sa lungsod ang state of calamity nitong Lunes dahil sa epekto ni severe tropical storm “Paeng.”

Base sa City Resolution No. 105, lumikas dahil sa severe tropical storm ang 1,359 pamilya o 5,620 indibidwal sa 16 evacuation centers.

Naitala ang amtinding baha sa 11 barangay, partikular na sa Casile, Dela Paz, Malaban, Mamplasan, Platero, San Antonio, San Jose, San Vicente, Sto. Tomas, San Antonio, at Sto. Niño.

Samantala, patuloy naman ang clearing operations sa mga lugar na puro putik.

Sa Facebook post, ibinahagi ni Mayor Arman Dimaguila ang mga larawan ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) na nililinis ang mga daan malapit sa city plaza at sa pampublikong pamilihan.

Habang hindi pa nakakabangon ang mga residente mula sa epekto ng bagyo, inanunsyo ng city government na pansamantalang ikakasa sa public elementary schools at high schools ang modular distance learning (MDL) mula Nov. 2 hanggang 4.

Kasalukuyang ginagamit ang public schools bilang evacuation centers. RNT/SA