Binata huli sa P.3-M marijuana

Binata huli sa P.3-M marijuana

January 18, 2022 @ 6:35 PM 7 months ago


NUEVA ECIJA – Huli ang isang 21-anyos lalaki makaraang masabat sa kanya ang tinatayang 2.5 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isang drug buy-bust operation sa Purok District 1, Barangay San Josef Sur sa lungsod ng Cabanatuan, kamakalawa ng madaling-araw.

Kinilala ang suspek na si Justine Jay Cruz, alyas “Jay-Jay”, 21, binata ng Purok 5, Barangay Mabini Extension ng lungsod na ito.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang pulisya bandang alas-4:45 ng madaling araw noong Lunes kung saan nabilhan umano ng police poseur-buyer ang suspek ng isang plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Agad na inaresto ng pulisya ang suspek at nang kapkapan ito ay may nakuha pa sa suspek na anim pang piraso ng plastic sachet na may lamang marijuana at bukod dito ay may nakuha ring 3 bricks ng hinihinalang marijuana na aaabot sa 2.5 kilo ang timbang at nagkakahalaga umano sa humigit-kumulang na P306,000.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ver Sta. Ana