Binata isinelda sa panggagahasa sa menor-de-edad na pinsan

Binata isinelda sa panggagahasa sa menor-de-edad na pinsan

November 7, 2022 @ 12:30 PM 4 weeks ago


GATTARAN, CAGAYAN- Isinelda ng mga pulis ang isang binata matapos maaresto sa panghahalay sa kanyang menor-de-edad na pinsan sa Gattaran, Cagayan.

Ayon kay PMaj. Garry Macadangdang, hepe ng Gattaran Police Station, dinakip ang akusado na itinago sa pangalang Cardo sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong statutory rape, 2 counts of rape at acts of lasciviousness.

Siyam na taong gulang pa lamang ang biktima ng siya’y simulang pagsamantalahan ng akusado na ngayon ay 16-anyos na.

Magkapitbahay lamang umano ang suspek at ang biktima na nasa pangangalaga ng kanyang lolo at lola dahil hiwalay ito sa magulang habang ang kanyang ina ay nasa ibang bansa.

Taong 2019 na naman nang himasin ng suspek ang maselang bahagi ng katawan ng biktima hanggang sa nasundan ang panggagahasa noong Nobyembre 2021 at January 2022 na itinataon ng suspek kung tulog ang kanilang lolo at lola.

Bagama’t nakailang beses na ring nakapagsumbong ang biktima sa kanyang lola at lolo ngunit hindi naniwala ang mga ito at ang masama pa ay sinasaktan lamang ito dahil sa akalang gumagawa lamang ito ng kwento.

Marso ngayong taon ng nagpasya ang 16-anyos na biktima na umalis sa puder ng kanyang lolo at lola upang lumipat sa bahay ng kanyang tiyahin sa kabilang barangay.

Dito umano napansin ng kanyang tiyahin ang mga pasa ng biktima na dahilan upang dalhin ito sa doktor sa akalang minamaltrato lamang ito hanggang sa umamin ang bata na nagahasa siya ng kanyang pinsan na nagresulta sa pagdadalantao nito at nagsilang nitong buwan ng Oktubre ngayon taon. Rey Velasco