Binata kinuyog at pinagsasaksak ng 5; kritikal

Binata kinuyog at pinagsasaksak ng 5; kritikal

January 20, 2022 @ 12:58 PM 7 months ago


Manila, Philippines – Huling napaulat na nasa kritikal na kondisyon ang 20-anyos na binata matapos kuyugin at pagsasaksakin ng limang kalalakihan na apat sa kanila ay pawang menor-de-edad sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Alexander Gebora, residente ng 140 Pinagsabugan St. Brgy. Longos habang nadakip naman ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 ang isa sa mga suspek na edad 16-anyos.

Patuloy namang tinutugis ng pulisya si Aaron Jerry Orlino, 19 ng Block 40 Arwana Alley Brgy. Longos at ang tatlong iba pa na edad  15 hanggang 17-taong gulang.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon Police chief P/Col. Albert Barot, nakatayo at nag-uusap ang biktima at ang testigong si Jayson Bugarin, 20, sa Gumamela St., Brgy. Longos ng pagbabatuhin sila ng mga suspek dakong alas-12:30 ng madaling araw.

Nilapitan at kinompronta ng biktima ang mga suspek subalit pinagtulungan na siyang kuyugin at pagbubugbugin ng mga ito hanggang sa bumunot ng patalim si Orlino at inundayan siya ng sunod-sunod na saksak sa bahagi ng katawan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima ng kanyang pinsan na si Anthony Reyes sa naturang pagamutan. (Boysan Buenaventura)