Binatang nawawala natagpuang patay habang nakaposas

Binatang nawawala natagpuang patay habang nakaposas

March 15, 2023 @ 7:27 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay na habang nakaposas ang isang 26-anyos na lalaki nang matagpuan ng mga awtoridad ang kaniyang bangkay isang araw matapos siyang iulat na nawawala sa Cavite.

Kinilala ang biktimang si Ralp Matthew Peredo kung saan nakita ang bangkay niya sa isang bakanteng lote sa bayan ng Alfonso nitong Sabado, isang araw matapos mawala noong Biyernes.

“Suspected gunshot wound sa kanyang ulo…Base po sa pag-iimbestiga ng ating SOCO, may narekober na spent shell ng 9-mm. Ang isang kahina-hinala rito, nakaposas siya,” ani Alfonso Cavite Police Chief Major Rommel Dimaala.

Tinitignan ng pulisya ang pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil nawawala ang mga alahas at relo ng biktima na nagkakahalaga ng P400,000.

Huling nakausap umano ng biktima ang kaniyang live-in partner.

Sa pag-iimbestiga, nakakuha ang kapulisan ng CCTV footage kung saan nahagip ang biktima na habang papalabas sa isang transient house, pitong kilometro ang layo mula sa lugar kung saan nakuha ang kaniyang bangkay.

Tiniktikan ng awtoridad ang nasabing lugar at nahuli ang suspek na si Eljohn Samano na nakitang lumabas mula sa nasabing paupahan.

Base sa awtoridad, may tatlong suspek pa umano na kasama si Samano at kabilang dito ang isang retiradong pulis na nakitang kasama ng biktima nang dumating sa transient house.

Samantala, nanawagan naman ang pulisya sa live-in partner na biktima dahil hindi umanot ito nakikipag-ugnayan sa kanila. RNT