Binatang siklista lasog sa bus sa Bulacan

Binatang siklista lasog sa bus sa Bulacan

July 31, 2022 @ 3:19 PM 2 weeks ago


Bulacan- Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 21-anyos na binatang siklista na nagkalasog-lasog matapos masagasaan ng bus sa bayan ng Bocaue.

Kinilala ang nasawing siklista na si Khyle San Pedro, estudyante, residente ng Sabana, Brgy. Caingin ng naturang bayan.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang driver na si Vilmor Amper, 29, binata, residente ng TS Cruz subdivision, Las Pinas City.

Sa report, nangyari ang aksidente bandang alas-12:10 ng madaling araw nitong Hulyo 30 sa tulay ng Mc Arthur Hi- way, Brgy. Biñang 2nd.

Ayon sa report, habang binabagtas ng biktima lulan ng bisikleta ang north bound lane nang aksidenteng masagasaan ng Public Utility Bus na Malanday Metro Link at may plakang UYE- 422.

Dahil dito, nagtamo ng malalang sugat sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang, walang malay, duguan at nakasubsob sa kalsada.

Agad naman dumating ang rescue team sa lugar para sa paunang lunas subalit wala ng buhay ang kaawa-awang biktima.

Sa kabila nito, marami ang nagluluksang kaibigan at mga mahal sa buhay ng biktima at maraming netizen na nakapanood ng Facebook post sa video ng aksidente ang bumabatikos sa ilang bus driver ng Malanday Metro Link na umano’y mga kaskasero.

Nahaharap ang naarestong driver sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III