Binatang tulog napagkamalang kaaway, tinarakan ng magmamanok

Binatang tulog napagkamalang kaaway, tinarakan ng magmamanok

November 14, 2022 @ 5:04 PM 3 weeks ago


Bulacan- Kalunos-lunos ang sinapit ng 18-anyos na binatang poultry worker matapos mapagkamalang kaaway at saksakin ng kasamahan habang natutulog sa farm sabayan ng San Miguel.

Kinilala ang naarestong suspek na si Roger Balasing, 28, residente ng Davao City habang ang biktima ay si John Rey Morales ng Bacolod City.

Sa report ng San Miguel police, nangyari ang insidente bandang alas-11:30 ng gabi nitong Nobyembre 13, sa Brgy. Balaong.

Ayon sa report, nakatanggap sila ng tawag mula sa naturang barangay na may insidente ng pananaksak sa isang poultry farm ng naturang lugar.

Dahil dito, agad tumungo ang mga pulis sa lugar kaya naaresto ang na “wow mali” at naghiganting suspek.

Sinasabing natutulog ang biktima sa kanilang barracks nang saksakin ng kutsilyo sa likod ng suspek subalit laking pagsisi niya dahil hindi pala ito ang kanyang puntirya.

Dinala ang biktima sa San Miguel District Hospital para sa paunang lunas at napagalamang inilipat sa Malolos Provincial Hospital kalaunan.

Nalamang bago nangyari ang insidente ay may ibang nakasuntukang kainumang kasamahan ang suspek na kanyang puntiryang saksakin.

Nahaharap ang suspek sa kasong Attempted Homicide habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III