Binatilyo arestado sa pangmomolestiya sa dalagita

Binatilyo arestado sa pangmomolestiya sa dalagita

June 6, 2022 @ 9:45 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Shoot sa loob ng rehas na bakal ang 17-anyos na binatilyo matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa 15-anyos na dalagita sa Navotas City.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang inaabot sa biktima na itinago sa pangalang “Katrina”, grade 9, ng suspek na itinago sa pangalan “Roger” ng Letre, Malabon City ang bayad sa kanyang drawing sa labas ng kanilang bahay sa Brgy. NBBS Dagat-Dagatan dakong alas-10 ng umaga ay hinawakan ng binatilyo ang kanyang kamay.

Hinila din ng suspek palapit sa kanyang harapan ang biktima saka tinangkang halikan at bigla siyang niyakap bago hinimas ang dibdib at puwitan ng dalagita.

Gayunman, pumalag ang biktima at itinulak ang binatilyo saka isinumbong sa kanyang ina ang ginawa ng suspek na naging dahilan upang humingi ng tulong ang mag-ina sa mga tauhan ng Sub-Station 4.

Kaagad pumunta ang mga pulis sa naturang lugar kung saan naabutan nila ang suspek sa labas ng bahay ng biktima at tinangkang humingi ng tawad sa dalagita.

Tumanggi ang biktima at sa halip ay itinuro niya ang suspek na nang molestiya sa kanya na naging dahilan upang arestuhin ng mga pulis ang binatilyo. Boysan Buenaventura