Binatilyo huling namboboso, nakuhanan pa ng ‘damo’

Binatilyo huling namboboso, nakuhanan pa ng ‘damo’

May 2, 2022 @ 3:54 PM 2 months ago


GAPAN CITY, Nueva Ecija – Arestado ang isang 24-anyos na lalaki na nahuling namboboso sa isang 31-anyos na babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) habang naliligo sa Barangay Maburak, Huwebes ng gabi.

Kinilala ni P/Lt. Col. Alexie Desamito, hepe ng pulisya rito, ang suspek na si Marlou Samson, alyas “Arlou”, isang farm helper ng Brgy. San Carlos, Cabiao, NE.

Nabatid sa ulat na alas-9:10 ng gabi, naliligo ang ginang na si Elaine Suba nang makita umano niya sa bintana ang suspek na nakatingin sa kanya at nire-record umano ang video ng kanyang paliligo sa hawak na cellphone nito.

Dahil dito, nagsisigaw ang biktima at dito ay dagli namang lumabas ng bahay ang hindi nagpakilalang mister nito na siyang humuli sa suspek.

Kinapkapan umano ng mister ng biktima ang suspek at nakuha ang ginamit na cellphone ng suspek at isang ziplock plastic sachet na may lamang pinatuyong dahon ng marijuana.

Hindi nagtagal ay dumating din ang mga miyembro ng bantay bayan ng barangay na siyang nagturn-over kalaunan ng suspek sa pulisya.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa nakuhang 5.30 gramo ng marijuana, na nagkakahalaga ng P636 laban sa suspek. Ver  Sta. Ana