Binatilyo nahulog sa mall sa QC

Binatilyo nahulog sa mall sa QC

December 12, 2022 @ 5:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya kung tumalon ba o inihulog ang isang binatilyo sa gusali ng Farmers Plaza Cubao, Quezon City, kagabi, Disyembre 11.

Ang biktima na 18-anyos ay hindi na pinangalanan.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), pasado alas-6 ng gabi nang matagpuan ang nakahandusay at duguang biktima sa lower ground floor ng Activity Area ng nasabing mall sa Brgy. Socorro Cubao, Q.C.

Sa imbestigasyon ni Pat Nestor Ariz Jr. ng CIDU, abala umano sa kaniyang puwesto ang lady guard na si Criselda Matila nang makarinig ng malakas na kalabog mula sa nasabing lugar.

Nang kaniyang beripikahin ay bumungad sa kaniya ang biktima na nakahandusay sa semento at bumubulwak na ang dugo sa bibig dahilan upang magpasaklolo siya sa mga nangangasiwa sa mall.

Agad namang isinugod sa World City Medical Center ang biktima subalit binawian din ito ng buhay bandang 7:19 ng gabi, ayon sa attending physician na si Dr. Max Angelo Terrenal.

Nakuha ng mga awtoridad sa wallet ng biktima ang isang sulat na nagsasaad ng…

“HINDI TAO O MGA TAO ANG DAHILAN NITO, MAY GUSTO LANG AKO MALAMAN MATAGAL NA, HINDI NYO MAINTINDIHAN KAHIT NA IPALIWANAG KO.” Jan Sinocruz