Binatilyo patay sa ginising na kaklase

Binatilyo patay sa ginising na kaklase

July 8, 2022 @ 10:38 AM 1 month ago


GUINAYANGAN, Quezon- Hindi inakala ng isang binatilyo na ang paggising nito sa kanyang kaklase ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan matapos siyang masuntok sa lalamunan Huwebes sa bayang ito.

Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang 17-anyos na biktimang hindi pinangalanan habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Warren Atienza De Guzman, 19-anyos.

Batay sa report ng Guinayangan Police Station, naganap ang insidente sa Montecalvo Beach Resort sa Barangay Dancalan Central sa nasabing bayan.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, tulog ang suspek dahil sa kalasingan ng gisingin ito ng biktima para ayain maligo.

Naalimpungatan umano ang suspek kaya nasuntok nito sa leeg ang biktima at nawalan ng malay.

Dinala naman sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas subalit dineklara na rin itong patay ng umateding doktor.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente at inihahanda ang kasong isasampa laban sa suspek. Mary Anne Sapico