Binatilyo pisak sa concrete mixer; 3 sugatan

Binatilyo pisak sa concrete mixer; 3 sugatan

August 2, 2022 @ 7:56 AM 2 weeks ago


SABLAN, Benguet- Patay ang 16-anyos na binatilyo habang tatlo kabilang ang dalawa pang menor-de-edad ang sugatan matapos mabagsakan ng concrete mixer na nahulog sa bangin nitong Lunes sa bayang ito.

Kinilala ang nasawi na Jilton Hilario Acosta, 16, estudyante, residente ng Monglo, Bayabas, Sablan, Benguet.

Ginagamot naman sa Benguet General Hospital ang driver ng concrete mixer na si Denver Akia Gacay, 22, dalawang binatilyo na may mga edad 15 at 17, taga-Barangay Bayabas, Sablan, Benguet.

Batay sa report ng Sablan Municipal Police Station, dakong alas-4:30 ng hapon naganap ang insidente malapit sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) Sitio Payda, Barangay Bayabas, Sablan, Benguet.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Gacay ang concrete mixer truck na nakarehistro sa PHESCO Company na may kargang hinalong semento.

Ibubuhos na sana ni Gacay ang semento para sa retaining wall na ginagawa subalit hindi nito napansin na gumuho ang kanang bahagi ng kalsada.

Dahil dito, bumagsak sa bangin na may 10 metro ang lalim at nabagsakan sina Acosta na nasa ilalim na nagtatrabaho sa construction site.

Agad naman dinala sa Sablan Municipal Health Office si Acosta para sa paunang lunas subalit dineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Habang isinugod naman sa ospital ang tatlo sa BGH para sa karampatang lunas.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente maging ang pagpayag na magtrabaho ng tatlong menor  sa construction site. Mary Anne Sapico