Binatilyo timbog sa damo, bala sa checkpoint

Binatilyo timbog sa damo, bala sa checkpoint

August 28, 2021 @ 4:53 PM 10 months ago


CAGAYAN – Naharang ang isang binatilyo na nahulihan ng ilegal na droga at sari-saring bala matapos ang maaksiyong paghabol sa kanya ng mga pulis sa isang checkpoint sa bahagi ng Bangag, Lallo dito sa nabanggit na lalawigan.

Una rito, napakatulin ang patakbo ng suspek na itinago sa pangalang Charles, 17 anyos, residente ng Magapit, Lallo habang sakay ng kulong-kulong bandang alas-otso kagabi, Agosto 27.

Nagawang i-overtake pa raw ni Charles ang mobile patrol car ng PNP Lallo dahilan para habulin ito hanggang sa maharang na sa police checkpoint sa Barangay Bangag.

Bilang protocol, kinapkapan si Charles kung saan nakuha sa loob ng kanyang kulay itim na sling bag ang apat na maliliit na sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana, apat na bala ng caliber 9mm na baril at isang bala ng caliber 45.

Dalawang barangay kagawad ng Bangag ang nagsilbing witness sa isinagawang imbentaryo sa mga nasamsam na ebidensiya laban kay Charles.

Agad na dinala si Charles sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang imbestigasyon. Rey Velasco