Manila, Philippines – Kinastigo kahapon ni Senador Nancy Binay ang Philippine National Police (PNP) sa pagsasabing “isolated case” ang pagpaslang kay General Tinio Mayor Ferdinand Bote sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa pahayag, sinabi ni Binay na kailangan kumilos nang mas matindi at agaran ang pulisya upang malutas ang sunod-sunod na pagpaslang sa opisyal ng pamahalaang lokal, pari at prosecutors.
“Hindi po dapat tratuhin ng Philippine National Police (PNP) ang mga insidenteng ito bilang isolated cases ng murder o personal vendetta; bagkus ay tingnan bilang isang systemic failure ng mga kinauukulan na hadlangan at sugpuin ang krimen ayon na rin sa paninindigan ng Pangulo sa isyu,” giit ni Binay.
Sinabi ni Binay na kung anong sigla at sigasig ng awtoridad sa kampanya laban sa tambay, dapat ganun din ang ipakita nila sa paglutas sa patayang nagaganap.
“Kung hindi man ay higitan pa, sa pagresolba ng mga krimen na ito,” aniya.
Kasabay nito, nakiramay din ang butihing senador sa pamilya, kaanak, kaibigan at mamamayan ng Gen. Tinio sa pagpaslang ng kanilang mayor.
“Nakikiramay ako sa pamilya at mga kababayan ni Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija na karumal-dumal na pinaslang kahapon,” ayon kay Binay.
Pang-apat si Mayor Bote sa local na politiko na pinatay simula nitong Enero 2018 kasunod sina La Union second district representative Eufranio Eriguel; Buenavista, Bohol Mayor Ronald Tirol; at Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili. Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot, na inatake ngunit nakaligtas.
“Walang puwang sa ating lipunan ang pagpatay ng mga local politicians, pari (3), journalists (3), at prosecutors (3) simula nitong January 2018, sa sibilisado at law-abiding na lipunan tulad ng Pilipinas,” aniya.
Aniya, walang halaga ang pagkundena upang mabigyan ng katarungan ang pagpatay at pagpaslang kundi seseryosohin ng awtoridad ang paglutas sa problema.
“Walang kuwenta ang mga pagkondena na mabigyan ng katarungan ang pagpaslang kun di kikilos at gagamitin ng awtoridad ang lahat ng kapangyarihan at tungkulin nila upang malutas ang kriminalidad na nangyayari sa ating bansa,” ani Binay.
Isang araw matapos barilin at mapatay si Tanauan Mayor Antonio Halili habang pinangungunahan ang flag raising ceremony nitong Lunes, tinambangan naman ng riding in tandem si Mayor Bote ilang segundo matapos lumabas sa compound ng National Irrigation Authority (NIA) sa Cabanatuan City. (Ernie Reyes)