Binigti, pinagsasaksak; Carpool driver himalang nakaligtas sa carnapper

Binigti, pinagsasaksak; Carpool driver himalang nakaligtas sa carnapper

February 14, 2022 @ 5:44 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Naaresto ng mga tauhan ng Valenzuela City Police ang isa sa dalawang suspek sa pangangarnap at tangkang pagpatay sa isang 28-anyos na carpool driver na binigti at pinagsasaksak sa loob ng minamanehong Toyota Hi Ace van ng biktima.

Kinilala ni PLT Robin Santos, hepe ng Valenzuela City Warrant and Subpoena Section (WSS) ang naarestong suspek na si Diomedes Saquillo Jr., alyas “Jonel Saquillo” ng Bacoor City, Cavite habang pinaghahanap pa ang kasama niya na kinilala lang sa alyas “Migs”.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa Barangay Parada, Valenzuela City noong Enero 18, 2022.

Nag-‘book’ umano ang mga suspek sa ‘carpool’ mula sa lalawigan ng Quezon patungong Valenzuela City at nang makarating sa Barangay Parada ay binigti ng mga ito at pinagsasaksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Nagpanggap umano ang biktima na patay na kaya dinala siya at basta na lamang iniwan ng mga suspek sa isang liblib na lugar sa San Pedro, Laguna at tinangay ang kanyang sasakyan.

Sa pamamagitan ng GPS ay agad namang narekober ang sasakyan ng biktima sa isang lugar din sa San Pedro Laguna.

Ayon kay Santos, personal na nag-report sa Valenzuela Police ang isang taong tumulong sa biktima at iniulat nito na dinala niya ito sa ospital at kasalukuyan aniyang nasa Intensive Care Unit.

Kaagad nakipag-ugnayan ang Valenzuela Police SIU sa pamumuno ni P/Major Albert Juanillo at PLT Robin Santos ng WSS sa Laguna Police at lalawigan ng Quezon kung saan nakakuha sila ng mga kaukulang detalye.

Napag-alaman din ng pulisya na si Saquillo ay may ‘warrant of arrest’ sa kasong Estafa (5 counts) na ipinalabas ng Dasmarinas City, Cavite noong September 20, 2021.

Sa pamamagitan ng masusing pag-iimbestiga, natunton ng mga tauhan ng Valenzuela Police SIU at WSS ang suspek sa C5 Bonifacio Global City, Taguig City na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya sa pamamagitan ng pagprisinta ng nasabing warrant of arrest at narekober sa kanya ang susi ng sasakyan ng biktima. R.A Marquez