Biniling kape, tsokolate ng Nat’l Tobacco Administration tablado sa COA

Biniling kape, tsokolate ng Nat’l Tobacco Administration tablado sa COA

November 30, 2022 @ 3:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inayawan ng Commission on Audit (COA) ang pagbili ng coffee vendo machines gayundin ang kape at tsokolate na ginawa ng National Tobacco Administration (NTA) para sa kapakanan umano ng mga empleyado nito noong 2013.

Nabatid sa desisyon ng COA proper na may petsang Enero 24, 2022 ngunit inilabas kamakailan, ang notice of disallowance na inilabas ng Corporate Government Sector-Cluster 5 nito noong Nobyembre 9, 2016 sa pagbili ng mga item ay itinuring na pinal at executory.

Ang NTA ay gumastos ng kabuuang halaga na P350,000 na sumaklaw sa 14 coffee vendo machines, 200 kilo ng kape, at 90 kilo ng tsokolate.

Kaugnay nito idiniin sa desisyon na hindi wasto ang mga bagay na binili ng NTA para sa mga aktibidad ng programang pangkalusugan para sa mga empleyado nito.

“It only covers physical and mental fitness program that seeks to attain long-term health through exercises and related physical fitness activities. Coffee vendo machines are not activities,” ayon sa niligdaan desisyon ng COA chairperson Michael Aguinaldo at Commissioner Roland Pondoc.

Napansin din ng komisyon ang huli na paghahain ng petition for review ng NTA, na naubos ang reglementary period na 6 na buwan o 180 araw para maghain ng apela.

Ang petition for review ay inihain ng mga opisyal ng NTA na sina Edgardo Zaragoza, Cristina Lopez, Ma. Theresa Laudencia at Milagros Tiu.

“Ang kalayaan sa paglalapat ng mga patakaran ng pamamaraan ay hindi maaaring ilapat kung ito ay magreresulta sa walang habas na pagwawalang-bahala sa mga patakaran o magdulot ng hindi kailangang pagkaantala sa pangangasiwa ng hustisya,” ayon sa commission. Santi Celario