Florida – Walang mga braso pero nagawang makapanaksak? Paano ito nangyari?
Isang 46-anyos na homeless man sa Miami Beach, Florida na walang mga braso ang inaresto at nahaharap sa kaso matapos niyang saksakin ang isang lalaking turista dahil binully umano siya nito.
Sa ulat, sinasabing nagawang saksakin ng suspek na si Jonathan Crenshaw ang 22-anyos na biktimang si Cesar Coronado sa pamamagitan ng pag-ipit ng gunting sa kaniyang mga paa.
Dinala sa ospital si Coronado dahil sa sugat sa kaliwang braso.
Batay sa kuwento ng biktima sa pulisya, lumapit siya kay Crenshaw para magtanong lang ng direksyon ng isang lugar nang bigla siyang saksakin nito.
Kilala umano si Crenshaw sa lugar dahil sa kaniyang talento sa pagguhit o pagdo-drawing gamit ang mga paa.
Ngunit depensa ni Crenshaw sa pulisya, ipinagtanggol lang niya ang kaniyang sarili matapos umano siyang i-bully at sapakin ng biktima.
Wala umanong indikasyon na nakainom o nakadroga si Crenshaw nang mangyari ang insidente.
Pero natuklasan na mayroon na rin daw siyang mga dating kaso, kabilang na ang pananakit.
Naaresto siya matapos ang umano’y pananaksak at kinasuhan ng one count of aggravated battery. (Nats Taboy)