Bio-intensive farming system aarangkada na sa Batangas

Bio-intensive farming system aarangkada na sa Batangas

December 9, 2022 @ 7:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Aarangkada na ang bio-intensive farming system ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Batangas makaraang iporma ito ng DAR sa pamamagitan ng mga natapos na solar-powered irrigation system (SPIS) sa 4 na pilot areas na matatagpuan sa Jaybanga, Lobo; Bagong Silang, San Juan; Escribano, San Juan; at Banilad, Nasugbu.

Ayon sa DAR ang proyekto ay magkatuwang na ipatutupad ng Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), concerned local government units (LGUs) at ARBOs sa lugar at pakikinabangan ng 254 agrarian reform beneficiaries (ARBs) at hindi ARB.

Kaugnay nito lumagda ang mga kinatawan mula sa mga kinauukulang ahensya sa isang pangako na susuportahan nila ang pagpapatupad ng proyektong tinawag nila na “Design and Development of a Sustainable Integrated Bio-Intensive Farming System for Completed SPIS projects”.

Samantala sinabi ni Cupido Gerry Asuncion, CALABARZON regional director, na ang proyekto ay naglalayon na paigtingin ang produksyon ng mga local food commodities upang mapataas ang kita ng ARBO at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga ARB at residente sa lugar.

“Through the SPIS projects and imputing of appropriate agricultural technologies and enabling mechanisms, we can maximize land utilization in a given crop year and increase the effective area of cultivation to 200% or more,” ayon kay Cupido.

Nabatid sa DAR na ang proyekto ay may limang (5) mga bahagi; Pagpapahusay ng SPIS, pagpapaunlad ng lupa at sakahan, paghahanda ng plano at badyet ng produksyon ng sakahan, produksyon ng pananim, at ang pagpapaunlad ng institusyonal at kakayahan ng mga miyembro ng ARBOs.

Ayon kay Cupido ang project site validation ay isasagawa sa Enero 2023 upang matukoy ang mga angkop na proyekto na maaaring ipatupad sa mga pilot areas. Santi Celario